Pinay DH sa Kuwait binudburan ng paminta sa ari

BINUHUSAN ng chlorox at binudburan ng pamintang durog ang ari habang tinusuk-tusok ng kutsilyo ang ulo ng isang 24-anyos na Pinay domestic helper kaya’t tumakas sa kanyang mga amo sa Kuwait kamakailan.

Humahagulhol na dumulog si Roxanne (hindi tunay na pangalan), may-asawa at dalawang anak, nang dumulog sa tanggapan ng Embahada ng Pilipinas.

Ayon kay Roxanne, nangibang bansa siya noong Marso 2011upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang dalawang anak na nasa Pilipinas.

Noong una ay maayos ang kanyang kalagayan sa pamilya subalit nitong Mayo ay dinala siya ng amo sa bahay ng biyenan nito.

Inutusan siya minsan ng kanyang amo na linisin ang dingding gamit ang chlorox nang walang gloves.

May pangyayari ring magkakatulong na iginapos ng matanda at dalawa nitong anak ang kanyang mga kamay, hinubaran ng saplot, nilagyan ng pamintang durog at binuhusan ng chlorox ang ari habang pinagtutusok ang ulo.

Ginawa sa kanya ang lahat ng kalupitan sa loob ng tatlong linggo na pananatili niya doon sa biyenan ng amo.

“Makailang beses nila akong sinaktan at binuhusan ng tubig kahit wala akong ginagawa,” ayon kay Roxanne.

Napansin ni Roxanne na araw-araw ay palupit nang palupit ang ginagawa sa kanya ng pamilya. Nakaranas din siya ng pitong araw na walang tulog at walang kain kaya’t inakala niyang mamamatay na siya.

Nitong Hunyo 12 ay nagawang makatakas ni Roxanne nang isama siya sa mall ng pamilya at mabilis na sumakay ng taxi patungo sa Embahada ng Pilipinas.

Sa ngayon ay binigyan na ng abogado si Roxanne na siyang magtatanggol sa kanya laban sa malupit na pamilyang Kuwaiti.

Ayon sa kanya, hindi siya uuwi ng Pilipinas hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang ginawa sa kanya ng pamilya at nais niyang maparusahan ang mga ito. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply