Pinay OFW pinatay sa sakal sa Dubai

TACURONG CITY – Hindi na natupad ang nais ng isang anak para sa kanyang ina na makapagpahinga naman sa walang habas na pagtatrabaho ang huli makaraang ibalitang iuuwing bangkay na ito mula sa pagtrabaho bilang domestic helper sa Dubai.

Ani Geralie Cajutol, nakatakda sanang umuwi ng bansa sa June 3 ang kanyang ina na si Monera Daud-Cajutol matapos ang apat na taong pagtatrabaho sa Dubai pero laking gulat nila nang ibalitang patay na ang kanyang ina.

Ani Geralie, mismong ang amo ni Aling Monera ang tumawag sa kanya para ipagbigay-alam sa kanila na patay na ang biktima.

Sa kwento ng amo’ng Arabo, sinabi nito na pinasok umano ng dalawang ‘di kilalang Indian national ang kanilang at pinagnakawan. Nagkataon daw na naroon sa loob ng bahay si Aling Monera kaya nasakal at nabugbog ito ng mga suspek na naging dahilan ng kamatayan nito.

Pero ayaw naman ito’ng paniwalaan nina Geralie at Lorna, at maging ng mga kaanak nila na nagtatrabaho din sa abroad.

Sinabi ni Geralie na pinaimbestigahan ng kanyang kuya ang kaso at doon nabatid na posibleng sangkot sa pagpatay sa kanilang ina ang amo nitong Arabo.

Hustisya at katarungan ang sigaw ng magkapatid.

Ayon kay Lorna, nais nila na maimbestigahan ng Philippine consulate sa Dubai ang employer ng ina upang mabatid kung may kinalaman ito sa krimen.

Si Aling Monera ang pang-apat na OFW sa North Cotabato na umuwing bangkay simula noong Hunyo dahil sa pagmamalupit ng mga amo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply