PNoy binalaan sa PLDT-Digitel merger

BINALAAN ng isang negosyanteng eksperto sa information technology si Pangulong Benigno Aquino III na mahigpit ipagtanggol ang karapatan ng consumer sa namimintong pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at Digitel Mobile Philippines.

Ayon kay Joey De Venecia III, kailangang protektahan ni Pangulong Aquino ang karapatan ng Filipino consumer dahil kapag natuloy ang pagsasanib, tiyak na magkaroon ng monopolyo ng PLDT sa industriya ng telekomunikasyon.

Sinabi pa ng negosyante na nagsisilbi ngayon bilang secretary-general ng PDP-Laban sa pamumuno ni dating Sen. Aquilino Pimentel Jr., na kahit magkaroon ng ganansiya ang PLDT sa merger, malaking banta naman ito sa karapatan ng publiko.

Kasalukuyang dinidinig ng National Telecommunication Commission (NTC) ang nakatakdang pagsasanib ng Smart at Sun kahit walang pag-aapruba ng Kongreso hinggil sa prangkisa na nauna nang inimbestigahan ng Senado.

Ayon kay De Venecia, kaya humihina ang serbisyo ng Smart at iba pang mobile line na hawak ng PLDT dahil hindi tinutustusan ng kompanya ang pagpapaunlad ng teknolohiya sa telekomunikasyon kundi ginagastusan ang advertising at pagbili ng kalabang kompanya.

Kasabay nito, hinamon din ni De Venecia ang PLDT na ibalik sa gobyerno ang 10 megahertz na frequency ng Piltel na pag-aari ng PLDT upang pakinabangan ng publiko sakaling maibenta sa ibang players sa industriya ng telekomunikasyon.

“Isoli na lang ng Piltel ang 10 mhz na frequency sa gobyerno dahil public property ito saka ibenta sa ibang players upang kumita ang pamahalaan na siyang magpopondo sa pangunahing serbisyo at programang isinusulong ng Pangulong Aquino,” giit ni De Venecia.

Binili ng PLDT ang malaking bahagi ng sapi ng Digitel Mobile Phils., na pag-aari ng pamilya Gokongwei sa halagang P69.8 bilyon matapos mabigong makopo ng Ayala Group, ang may-ari ng Globe Telecoms, ang alok ng Sun Cellular.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply