PNoy dinedma ang mga anomalya sa PCSO

SA HINDI malamang dahilan ay hindi napag-usapan ang mga anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang magkaharap at mag-usap sa Malakanyang kamakailan sina Pangulong Benigno Aquino III at PCSO chairperson Margie Juico.

Sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na  ang pakikipagpulong ni Pangulong Aquino kay Juico ay umikot lamang sa topikong “loterya ng bayan.”

Wala umanong ideya si Lacierda kung nabanggit ni Juico ang tungkol sa mga anomalyang nakakulampon sa PCSO.

“I wasn’t present in that meeting, but I remember the topic of the discussion was on the ‘loterya ng bayan,’” aniya.

Ang tanging alam lamang ni Lacierda ay suportado ng Pangulong Aquino ang isinampang kaso ng PCSO laban sa isang Manuel Garcia.

“It is a recognition of the anomalies found in the PCSO and we believe that PCSO has the evidence to warrant such a finding of irregularities during the past PCSO administration,” anito.

Ang alegasyon ni Juico ay ginamit umano ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ng mga kaalyadong opisyal tulad ni dating PCSO chair Manuel Morato ang PCSO bilang “gatasan” o “milking cow.”

Anito, nabaon din sa utang ang PCSO sa mga ospital dahil sa mga guaranteed letter at sa ilang media groups kung saan inilaan ang malaking pondo para sa advertisements.

Tiniyak ni Lacierda na may ebidensya ang PCSO upang patunayan ang kanilang mga alegasyon.

“The PCSO will prepare and file the cases. With respect to the other claims made by Mr. Morato, I think Chairman Juico will be in a better position to respond to that,” ayon sa spokesman.

Pinag-aaralan na umano ng legal department ng PCSO ang report ng Commission on Audit (CoA) kaugnay ng umano’y kwestyunableng paggamit ng pondo ng ahensya noong panahon ng administrasyong Arroyo.

Sa ulat, tinuran ni Juico na pagkatapos ng pag-aaral ay magsusumite ng rekomendasyon ang kanilang legal department sa board at dito malalaman kung anong kaso ang isasampa at sino ang sasampahan.

Gayunman, tiniyak ni Juico na ang sinumang sangkot sa kwestyunableng transaksyon ay dapat managot sa batas.

Ang pahayag ay ginawa ni Juico kasunod ng hamon ni Morato na dalhin sa korte ang mga akusasyon sa halip na ibunyag sa media.

Binigyang-diin naman ni Juico na ang pinagbabatayan ng kanyang mga akusasyon ay ang report na isinumite ng CoA matapos na masailalim sa audit ang kanilang tanggapan.

Samantala, hinamon naman ni Juico si Morato na pangalanan kung sino ang 31 pasyente na sinasabing nasawi dahil sa pagbawi  ng bagong pamunuan ng PCSO ng suporta ppinansyal  para sa kanialng gastusin sa pagamutan. 

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply