PNoy pinag-aasawa muna para ma-gets ang divorce

MAG-ASAWA ka muna.

Ito ang ipinayo ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III para maunawaan umano ang mga isyu sa buhay may-asawa, lalo na ang diborsyo.

Dahil aniya sa kawalan ng karanasan ay hindi nauunawaan ng Pangulo ang kagyat na pangangailangan upang maipasa ang divorce bill.

Kasabay nito ay nilinaw ni Colmenares na walang intensyon ang mga kongresista na nagsusulong sa divorce bill na kalabanin ang simbahang katoliko dahil layunin lamang umano nito ay tulungan ang mag-asawang naabuso sa hindi magandang relasyon.

Pumalag naman si Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan sa pagkwestiyon ni Pangulong Aquino sa kanilang motibo sa pagsusulong ng Divorce Bill.

Naunang inihayag ng Pangulo na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsasabatas ng Divorce Bill at kinuwestiyon din nito ang motibo ng mga proponent ng naturang panukalang batas at duda kung sinsero ba ang intensyon ng mga ito o nais lamang na palalain pa ang giyera sa pagitan ng gobyerno at simbahan katolika.

Buwelta ni Ilagan, 13th Congress pa nang ihain ang divorce bill at nagkataon lamang na ngayon lamang 15 congress nai-kalendaryo ang pagdinig.

Ani Ilagan,  hindi kasalanan ng Gabriela at iba pang nagsusulong nito na itaon sa pamamahala ni Aquino ang pagtalakay sa panukala.

Bilang isang mambabatas ay sinusunod lamang ng mga Divorce bill proponents ang kanilang mandato at tungkulin bilang partido ng mga kababaihan.

Kung ayaw aniya ni Pangulong Aquino sa divorce bill, nirerespeto nila ito, subalit hindi naman umano tamang kwestiyunin pa ang kanilang intensyon kung bakit isinusulong ang panukala.

Ang tanging layon nila umano ay tulungan ang mga Filipino, lalo na ang mga kababaihan, na hindi na masaya at naasiman na sa kanilang buhay may-asawa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply