PNoy sa mayor ng Cotabato: ‘Bingi ka!’

BINGI ka!”

Ito ang mariing binitiwan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III patungkol sa alkalde ng Cotabato City na si Japal Guiani sa isang talumpati sa paglulunsad ng Gawad Kalinga Center sa Cotabato City.

Ito ay bilang kasagutan sa mga patutsada ni Guiani sa telebisyon na pumunta ang Pangulo sa Cotabato ngunit walang dalang kongkretong solusyon sa problema ng lungsod sa baha at walang relief goods mula sa pambansang pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, sapat na tulong ang naibigay ng pamahalaan sa lalawigan at tiniyak nito ang patuloy na solusyon sa problema, partikular sa pag-aalis ng mga water lily sa kahabaan ng Rio Grande de Mindanao.

Sinaksihan ni Pangulong Aquino ang pinagsamang pwersa ng kasundaluhan at kapulisan maging ng mga ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na ahensya sa pagbaklas ng tone-toneladang water hyacinths sa ilog.

Pinulong din nito ang mga lokal na opisyal, na nagpahayag ng katuwaan sa pangyayari dahil nagkabuklud-buklod ang mga ito.

Pinangunahan din ng Pangulo ang relief operations sa mga nasalanta ng pagbaha sa lugar.

Sa lahat ng mga aktibidad ng Pangulo sa pagbisita sa Cotabato City ay tinuran ng Pangulo na bingi si Guiani sabay sabi na “awa ng Diyos, mukhang mahina ang pandinig ng kagalang-galang na mayor sa lugar na ‘yun,wala po siyang napakinggan. At sa awa ng Diyos bahala na kami sa problema diyan at pagpalain na lamang siya ng Diyos.”

Kumampi naman ang kinatawan ng Maguindanao at Cotabato City na si Rep. Bai Sema kay Pangulong Aquino at nagsabing ‘di nagkulang ang Pangulo sa pagtulong sa lugar.

Noong Hunyo 17 ay nakausap niya ang Pangulo tungkol sa problema ng pagbaha sa kanyang nasasakupan at kagyat na pinatawag nito si Public Works Secretary Rogelio Singson, na nagpadala agad ng mga kagamitan at agad nagsimula ang mga declogging operations.

Pinatawag din ng Pangulo ang mga Cabinet secretary  tulad ni Interior Secretary Jesse Robredo at Undersecretary Momo ng DPWH upang personal na alamin ang situwasyon ng kalamidad at maghatid ng mga pangangailangan ng mga tao na apektado ng baha.

Maging ang personal na pagpunta ng Pangulo, ayon kay Bai Sema, ay nagpakita ng tunay na pagkalinga nito sa mga paghihirap na dinaranas ng mga tao sa Mindanao. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply