P200-M kapalit ng boto sa ARMM bill ibinisto

IBINULGAR ni Sen. Juan Miguel Zubiri na nagbabala ang Palasyo na iipitin ang P200 milyong pork barrel ng sinumang senador na tumututol sa pagpapaliban ng nakatakdang halalan sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).

Dahil dito, nanawagan si Zubiri sa Department of Budget and Management (DBM) na huwag gamitin ang pork barrel upang sagkaan ng kalayaan ng bawat mambabatas at pilitin silang bumoto nang pabor sa ARMM Bill na inihain ni Sen. Franklin Drilon.

Isa si Zubiri sa mahigpit na tumututol sa pagpapaliban ng ARMM election matapos ibasura ng Senate committee on local governments and committee on constitutional revisions, laws and codes dahil labag sa Saligang Batas.

Kasabay nito, hiniling ni Zubiri sa kasamahan sa Senado na gamitin ang conscience vote sa  magaganap na botohan sa plenaryo sakaling maisalang ang panukalang inakda ni Drilon matapos bawiin sa archives ang panukala.

Nauna nang piñatay at binuhay ng Senado nitong Martes ang panukalang ipagpaliban ang ARMM election matapos maghain ng mosyon ang anim na senador na kaagad inaprubahan ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Kasamang pumabor sa pagbubuhay sa panukala sina Sens. Teofisto Guingona III, Antonio Trillanes IV,  Serge Osmeña, Francis Pangilinan, Ferdinand Marcos Jr., at  Vicente Sotto III na sinegundahan naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang mosyon na buhayin ang panukala.

Kailangang matapos ang deliberasyon sa Senate Bill 2756 at House Bill 4146 na nagpapaliban sa ARMM elections ngayon upang maisalang sa bicameral conference committee ang panukala sa susunod na linggo at malagdaan ni Pangulong Benigno Aquino bago magkaroon ng sine die adjournment sa Hunyo 9.

Sakaling kapusin ng panahon ang Kongreso, maaaring magpatawag ng special session ang Pangulo upang talakayin ang panukala hanggang maisabatas ito.

Nakatakdang ipagpatuloy ngayon ang deliberasyon ng ARMM Bill sa sponsorship ni Drilon na nagsasabing walang nilabag sa probisyon ng Saligang Batas ang panukala at kailangan magkaroon ng malawakang reporma sa rehiyon bago magkaroon ng halalan.

Layunin ng panukala na isabay ang halalan sa ARMM sa mid term election sa 2013 na bukod sa makatitipid ang Commission on Election (Comelec) nang mahigit P1.7 bilyon, maisasagawa umano ng administrasyon ang reporma at pagbabaklas sa private army sa lugar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply