Prosecution panel vs Ampatuans pinalakas ng DoJ

DAHIL sa umaani ng batikos sa mabagal na pagdinig sa usapin ng Maguindanao massacre, nagdagdag ng panel of prosecutors ang Department of Justice (DoJ) na hahawak sa usapin.

Ang hakbang ay bilang tugon ni Justice Sec. Leila de Lima, sa panawagan na madaliin na ang proseso ng kaso, pati na ang pagharap ng mga testigo at ebidensiya dahil sa kabagalan ng pag-usad ng kaso.

Kamakailan kinalampag ng mga opisyal ng simbahang Katoliko ang makupad na pag-usad ng pagdinig sa kaso ng Maguindanao massacre, na ang dalawang pangunahing suspek pa lamang ang nababasahan ng sakdal.

Ayon kay Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action-Justice and Peace (Nassa) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine (CBCP), isang taon at kalahati na ang kaso pero kamakailan pa lamang binasahan ng sakdal si Andal Ampatuan, Sr.

“Magdadalawang taon na ang nakaraan pero itong mga kaso ngayon, ngayon pa lang inaayos. Ang tagal-tagal. Bakit ang tagal? ‘Yan ang tinatanong ng maraming mga tao,” pahayag ni Pabillo.

Naniniwala si Koronadal Bishop Dinualdo Gutierrez na masyadong napabayaan ng gobyerno ang pagresolba sa Maguindanao massacre, na naganap noong Nobyembre 23, 2009.

Bilang tugon sa isang pahina ng department order ni De Lima, mula sa 10-man panel, binubuo na umano ito ngayon bilang 12 man panel.

Idadagdag sa grupo sina Asst. State Prosecutor Olivia Torrevillas at prosecuting lawyer Aristotle Reyes.

Inaasahan ng DoJ na mas magiging epekto ang isang dosenang abogado para humarap sa panig ng mga Ampatuan na pangunahing itinuturong nasa likod ng pagpatay sa 58 indibidwal, kasama na ang mahigit 30 mamamahayag.

Magugunitang nagkaroon ng sigalot ang mga piskal ng DoJ at abogado ng mga Mangudadatu kaya pinalitan ni De Lima ang mga miyembro ng nasabing lupon.

Handa naman ang panel para sa marathon hearing upang matapos na ang kontrobersyal na kaso. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply