Prosecutors sa coral smuggling pinasisibak

INATASAN ni Senate President Juan Ponce Enriile na agad patalsikin sa puwesto ang dalawang state prosercutor sa Zambonga City dahil sa pagkabigo ng mga itong kumilos laban sa suspek na nagpupuslit ng black coral.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on environment and natural resources sa pamumuno ni Se. Juan Miguel Zubiri, inatasan ni Enrile ang Department of Justice (DOJ) na patalsikin sa puwesto sina Zamboanga City prosecutors Alfredo Jimenez Jr. at Faustino Bernabe.

Ayon kay Enrile, nabigong resolbahan ng dalawa ang kasong pagnanakaw ng coral laban kay alyas “Joe Pring” na si Li Yu Ming sa tunay na buhay.

Isa si Li sa mga pinaghihinalaang may-ari ng Li and Lim Trading Corp., na umano’y ginamit sa iligal na operasyon.

“Maybe at this time the department should take over the case, reinvestigate it, file the proper charges and then relieve these guys from their job and investigate them for the satisfaction of the Senate,” ayon kay Enrile

Ngunit, ikinatuwiran naman ni Jimenez na naibigay lamang ang poaching case laban kay Pring noong 2007, ngunit naisampa lamang ang kaso sa Municipal Trial Court noong nakaraang linggo dahil marami pa siyang kasong hinahawakan nang malipat sa Isabela.

Natagalan din si Bernabe na resolbahan ang kaso laban kay Pring na naibigay sa kanyang noong 2008 hinggil sa pagkakaroon ng protected marine species dahil marami din siyang kasong hinahawakan.

Pero, sinalag ni Enrile ang katuwiran nina Jimenez at Bernabe dahil pinalala ng kanilang pagkilos ang pagkasirang idinulot ng poaching business ng mag-asawang LI sa karagatan ng bansa.

Hindi rin dapat nagtagal ang pagsasampa ng kaso dahil napakasimple lamang ng kaso ng mag-asawang Li.

“Do you think you deserve to stay in the service? If I were in your place I would quit,” ayon kay Enrile.

Bukod sa kahilingan na muling imbestigahan ang kaso, inatasan din ni Enrile ang DOJ na magsampa ng kasong extradition laban kay Pring at asawa nitong si Olivia Lim Lim upang papanagutin sa kaso matapos matuklasan ng Senado na tumakas ang dalawa patungong Hong Kong.

Ipinangako naman ni DOJ Undersecretary Ricardo Paras III na tatalakayin niya ang kahilingan ng lider ng Senado sa kanyang pakikipagpulong kay Justice Sec. Leila de Lima.

Naunang nakumpiska ng awtoridad ang dalawang 20 footer container van sa South Harbor, Maynila kamakailan na naglalaman ng   163 stuffed hawksbills at green turtles; 21,169 piraso ng black corals; 7,340 piraso ng Trumpet at Helmet shells at 196 kilograms ng sea whips. Ideneklara ng Li and Lim Trading Corporation na pawang rubber ang laman ng container.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply