PSG rape case dapat tutukan -solon

LUBHANG naalarma si Sen. Pia Cayetano sa kaso ng panggagahasa ng isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa isang 15-anyos na dalagita na hinihinalang inabuso sa loob mismo ng PSG barracks sa Malakanyang Linggo ng gabi.

Ayon kay Cayetano, dapat tutukan ng Palasyo ang pangyayari dahil lubhang nakaaalarma na sangkot ang mismong miyembro ng PSG, na nagbabantay sa seguridad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, at isang barangay captain, at iba pang ‘di kilalang personalidad.

Pangunahing suspek sa reklamo ng biktima ang isang PSG member at isang barangay captain na sinasabing ibinugaw ang biktima sa suspek kasama ang dalawang di-nakilalang katao sa panahon ng insidente.

“Dapat mahigpit na tutukan ng Palasyo ang kasong ito. Dapat bigyan ng buong proteksyon ang biktima na isang menor de edad at tiyak na mahuhubaran ng maskara ang lahat ng may sala at maipakulong,” giit ni Cayetano.

Dagdag pa ng senadora: “Katunayan, nangyari ang panggagahasa sa loob mismo ng PSG barracks, na mas lubhang nakababahala dahil may sinumpaang tungkulin ang bawat tauhan ng gobyerno na pagsilbihan ang mamamayan sa lahat ng panahon.”

Sinabi pa ni Cayetano na napapanahon ang kanyang panukala na itaguyod ang “human rights education” at “gender sensitivity awareness” sa burukrasya, kabilang ang lahat ng unipormadong tauhan.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply