PH hindi nakikipag-away sa China – Palasyo

MAKARAANG magpahayag ng pag-alala ang ilang political analyst sa unti-unting paglala ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa Spratly Islands  ay tiniyak ng pamahalaan ng Pilipinas na walang dapat ikabahala ang taumbayan.

Ipinahayag ngayon, Biyernes, ng pamahalaan na hindi dapat ituring na banta ang pinakahuling pahayag ng China laban sa Pilipinas hinggil sa usapin ng South China Sea.

Matatandaang inakusahan ng China ang Pilipinas ng paglabag sa kanilang soberenya at pinatitigil sa paglalabas ng iresponsableng mga pahayag.

Ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda, naniniwala ang Malakanyang na hangarin din ng China ang masolusyunan nang mapayapa ang hidwaan sa Spratlys.

Aniya, dapat ipagpatuloy ang pag-uusap ng dalawang bansa dahil hindi naman gagawa ang Pilipinas ng anumang hakbang na magpapalala sa sitwayson.

Sinabi pa ni Lacierda na dapat ding malinawan ang China na hindi nanghihimasok ang Pilipinas sa kanilang soberenya dahil ang inaangkin ng Pilipinas ay mga teritoryong hindi kasali sa pinagtatalunang mga isla tulad ng Reed Bank na nasa Western Palawan.

Ayon naman kay Prof. Ramon Casiple ng Institute for Political and Electoral Reform, dapat magdahan-dahan sa hakbang ang administrasyong Aquino at idaan ang usapin sa maayos na negosasyon.

Ito ay kasunod na rin ng pag-alma ng pamahalaan ng China sa pahayag ng Pilipinas sa isyu ng panghihimasok ng mga Chinese jet fighter sa teritoryo ng bansa sa South China Sea.

Dagdag pa ng political expert, talo lamang ang bansa kung patuloy na makikipagtigasan sa China dahil kung “military capabilities” lamang aniya ang pag-uusapan ay kulelat na ang hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas.

Ang Spratly Islands na mayaman sa mineral at oil deposits ay inaangkin rin ng iba pang bansa sa South East Asia tulad ng Brunei, Vietnam, Malaysia at Taiwan sa paniniwalang ito ay kanilang ancestral land.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply