Publiko pinag-iingat sa mga ahas sa baha

NAGBABALA kahapon ang disaster relief operation na hindi lamang pagbaha ang dapat pag-ingatan, kundi pati ang mga ahas sa posibilidad na magtago sa mga kabahayan para iwasang malunod.

Sinabi ni Relief Officer Benito Ramos na huwag itong baliwalain sapagkat bukod sa naghahanap ang mga ahas ng masisisulungan para makaiwas sa baha ay posibleng naghahanap na rin ito ng makakain.

Mapanganib din aniya ang mga ahas lalo na kapag walang nakakain sa maraming araw at bigla pang nawalan ng lunggang matutuluyan.

Kapag may naka-engkuwentrong mga tao ay posibleng biglang manuklaw ito, aniya.

Babalaan ni Ramos ang mga residenteng binaha na mag-ingat at inspeksyunin ang mga lugar ng kanilang bahay na maaring pagtaguan ng mga ahas.

Kaugnay nito, matapos namang magbagsak ng moonsoon rains sa Metro Manila simula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng gabi, lumakas pa kahapon ang tropical storm “Falcon” (Meari).

Gayunman, sinabi ng state weather forecasters na ang pinakamalalang pag-ulan ay natapos na.

Aniya, ang pinakamalalang pagbuhos ng ulan sa Metro Manila ay nasa ala-singko hanggang alas-otso ng gabi kagabi sa 95mm kada oras.

Dahil dito, daan-daang commuters sa Metro Manila ang na-stranded sa mga lansangan.

Mula naman alas-otso ng gabi hanggang alas-dos ng madaling araw ngayong Biyernes, ang pagbuhos ng ulan ay bumaba sa 9mm bawat oras.

Sinabi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa) na sa patuloy na paglayo ng bagyong Falcon, inaasahang bubuti na ang panahon sa ilang parte ng bansa, kabilang ang Visayas at Mindanao.

Pero kahit ang pinakamalalang pag-ulan ay tapos na, may mga pag-ulan pa ring mararanasan.

Samantala, nananatili naman ang Calayan, Babuyan at Batanes Group of Islands sa ilalim ng signal number 1.

Sa Linggo ng umaga, inaasahan na ang bagyong Falcon ay lalabas na sa teritoryo ng Pilipinas.

Huling namataan ang Falcon sa layong 370 km hilagang-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan at nagtataglay pa rin ang hangin nito sa lakas na 85-kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso na aabot sa 100 kph.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply