Pulis itinanggi ang akusasyon sa pagkapatay sa binatilyo

MARIING itinanggi ng tatlong pulis ang akusasyon kaugnay sa pagkakabaril na nagresulta sa pagkamatay ng isang teenager nitong nakaraang buwan sa lungsod ng Makati.

Nakasaad sa isinumiteng counter-affidavit ni Makati Police Precinct 5 commander, Chief Insp. Angelo Germinal, pawang mga “espekulasyon” ang naging testimonya ng tumatayong testigo.

Ayon sa pahayag ng batang testigo, nakita umano niya si Germinal na may hawak na baril nang nakita ang biktima na napahandusay sa lupa.

Si Germinal at dalawang tauhan na sina PO1 Nicolas Apostol Jr. at PO3 Robert Riñon ay pawang mga akusado sa kasong pagpatay sa 13-anyos na teenager na si Christian Serrano na napatay habang nagkakalkal ng mga bakal sa isang abandonadong gusali sa Bagtikan Street, Makati City noong nakaraang  Mayo 9.

Batay sa police report ang tatlong pulis ay nagpapatrolya nang mamataan ang biktima at iba pang kasamahang scavengers. Nagpaputok ng warning shots si Germinal subalit isa sa mga bala ang tumama sa teenager na kinamatay nito.

“It was highly speculative to imply that it was me who shot the victim only because I was allegedly carrying a firearm after the alleged gunfire was heard,” nakasaad sa isinumiteng counter-affidavit ni Germinal sa Makati City Prosecutor’s Office.

Nakasaad pa sa counter-affidavit na hindi kataka-taka sa isang opisyal ng PNP ang pagdadala ng service firearm at ipinaliwanag na ang dalawa niyang kasamang pulis ay nagi-inspeksyon sa abandonadong gusali makaraan umano silan mapadaan sa lugar papunta sa Makati Police Station para sa gaganaping staff conference.

Ikinaila rin ni Germinal ang akusasyon na nagkaroon sila ng pagsasabwatan sa panig ng dalawang kasamang pulis para barilin at patayin si Serrano.

Samatala binanggit ni Germinal ang testimonya ng testigo na nagsabing unang nakarinig sa putok ng baril at nakita ang opisyal na hawak ang baril na nakatutok ang barrel paitaas.

Dahil hindi naipahayag ng testigo na nakita siyang kumalabit sa gatilyo, sinabi ni Germinal na hindi umano makatwiran para agad na akusahan siya na nakabaril sa biktima.

Ikinatwiran pa ni Germinal na hindi binanggit sa autopsy report kung anong uri ng bala ang nakapatay sa biktima.

Sa magkahiwalay na affidavit, mariin ding tinanggi nina Apostol at Riñon ang akusasyon laban sa kanila at sinabi ng mga ito na nasa labas sila ng gusali nang maganap ang pamamaril.

Ayon kay Apostol, nasa loob siya ng mobile patrol car samantala sinabi naman ni  Riñon na nakita na lamang umano niya ang isang binatilyo na may inaagapayanang kasamahan na may sugat kaya tumawag siya ng tricycle at inutusan ang driver na dalhin sa ospital ng Makati ang biktima para malapatan ng lunas. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply