Raid ng PDEA kinondena ng Islamic group

TINULIGSA ng Manila Muslim Chamber of Commerce (MMCC) ang umano’y maling sistema ng isinagawang drug raid ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang bahay noong Hunyo 8 sa San Andres, Maynila.

Mahigit 30 miyembro umano ng MMCC ang dumulog sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim para isumbong ang ginawang harassment ng mga operatiba ng PDEA.

Sa pangunguna ng kanilang presidente na si Alimontaha Babao at dating mayor Hasem Abdul, sinabi nila na tinatayang P300,000 halaga ng mga alahas ang kasamang sinamsam ng mga operatiba sa loob ng bahay ng isang Sohayli sa may 2370 Amatista San Andres Bukid, Maynila.

Naaalarma naman ang alkalde sa sumbong ng MMCC dahil hindi umano tama ang sistema ng isinagawang raid ng PDEA.

Ito ay sa kabila ng ang target ng kanilang search warrant ay ang umano’y nasa Order of Battle na si Sohayli Babao.

“Baka magalit nang magalit itong mga kapatid nating Muslim, dito pa sa Maynila magkagulo,” ayon sa alkalde. “Dapat e kung ano lang ang nakasaad sa warrant yon lang ang subject ng search nila, meron bang illegal possession of money at jewelry?”

“Hindi puwede na magpa-planting ka, hindi puwede na basta lalabag ka sa batas. Meron bang raid na sinimulan ng alas-singko tapos natapos ng alas-9:20, tapos ang nakuha ay 3.7 gramo lang,” dagdag pa ni Lim.

Inatasan ni Lim si Manila Police District director Chief Supt. Roberto Rongavilla, na makipagpulong kay PDEA Director Jose Guttierez kaugnay sa ginawang raid ng kanyang mga tauhan.

Nabatid sa sumbong kay Lim na naglalaro sa 20 operatiba umano ng PDEA ang dumating sa lugar at basta na lamang umakyat sa mga bahay at tinutukan ng Armalite ang lahat ng tao na nakita at saka pinadapa.

Bagama’t may koordinasyon ang PDEA sa PCP ay hindi naman umano isinama ito sa isinagawang raid at sa halip ay iniwan lamang sila sa ibaba ng bahay.

 

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply