Raket sa airports

ISANG raket ang pinagkakakitaan daw ngayon ng husto nang ilang mga tiwaling empleyado at opisyal sa ibat-ibang mga paliparan sa ating bansa lalo na diyan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang biktima nang raket na ito ay mga overseas Filipino workers (OFWS) lalo na ang mga domestic helpers na patungo sa Middle East at ilang bansa na kung saan ay may deployment ban ang ating pamahalaan.

Ayon sa sumbong ng ating impormante, nagsisimula ang modus operandi sa pamamagitan ng pag-i-escort ng isang miyembro ng grupo patungo sa eroplano sa mga papaalis na OFWs.

Bagamat alam ng mga biktima na medyo pilipit ang kanilang papel ay pikit mata pa din silang sumusugal dahil pinangakuan sila ng kanilang mga recruiters na makakaalis sila ng bansa na walang sagabal.

Ang bayad sa bawat isang “escort service” ay sa pagitan ng P15, 000.00- P20, 000.00 depende sa bansa na pupuntahan ng mga OFWs.

Mas mataas siyempre ang charge nila sa mga bansang may deployment ban gaya ng Syria, Lebanon at Egypt at iba pa.

Tsk!tsk! ibig sabihin  dito pa lang ay kumikita na ang mga mokong na ito  pero hindi dito natatapos ang raket nila.

Ang siste ay nakatimbre na ang mga biktima kung kaya’t bago makalipad ang mga ito ay haharangin sila nang ibang miyembro naman ng grupo para tingnan kunwari ang hawak nilang dokumento.

At dahil medyo kaliwa nga ang kanilang mga papeles ay hindi sila papayagang makaalis at pababain ng eroplano.

Kapag na-off load na ang mga biktima ay kukumpiskahin nila ang mga travel documents nila gaya ng passport at plane tickets.

Siyempre ay magmamakaawa ang mga OFWs na ibalik sa kanila ang kanilang mga dokumento pero bago ibalik ang mga papeles sa kanila ay kailangang magbayad na naman sila ng P20,000.00.

Sa madaling salita ay ginigisa nila sa sariling mantika ang mga kawawang mga OFWs na walang ibang hangad kundi magtrabaho sa ibang bansa at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang tindi naman ng grupong ito na ang pinili pang gawing biktima ay ang mga kawawang mga OFWS na karamihan ay mga domestic helpers.

Kaya tinatawagan natin ang mga kinauukulang opisyales ng pamahalaan gaya ni Justice Secretary Leila de Lima at Vice President Jejomar Binay. Pakisilip nga po ang sumbong na ito.

Aasahan namin ang aksyon ninyo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply