Reclamation project sa Boracay walang ECC

MISMONG ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naglinaw na ang naisyung Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa reclamation project sa Aklan noong 1999 ay para lamang sa bahagi na nasasakop ng Caticlan na may lawak na 2.6 ektarya.

Ito ang naging reaksyon ni EMB Assistant Director Gilbert Gonzales matapos kumpirmahin ni Philippine Reclamation Authority (PRA) chief Peter Anthony Abaya na ang 37 ektaryang bahagi ng 40 ektaryang reclamation project, kabilang na ang nasasakupan ng Boracay ay hindi pa nakakakuha ng ECC.

Dahil dito, hindi umano maglalabas ng notice to proceed (NTP) ang PRA na magbibigay sana ng go-signal sa Aklan provincial government para ituloy ang implementasyon ng proyekto, maliban na lamang kung magkaroon sila ng ECC.

Matatandaang naghain ng petisyon ang Boracay Foundation Inc. (BFI) sa Korte Suprema para mag-isyu ng temporary environment protection order (Tepo) laban sa proyekto habang isinasagawa pa ang environmental impact assessment (EIA).

Iginiit ng BFI ang pag-aaral na inilabas ng University of the Philippines (UP) marine biologists tungkol sa posibleng epekto ng proyekto sa tidal flow sa nasabing lugar.

Batid naman umano ng EMB na may kasunduan sa pagitan ng PRA at ng pamahalaang panlalawigan ng Aklan para sa reclamation project sa bahagi ng Caticlan at Boracay.

Tiniyak naman ni Gonzales sa lahat ng mga stakeholder sa Boracay na lahat ng usapin hinggil sa kalikasan at likas na yaman na may kaugnayan sa nasabing proyekto ay tutugunan nila alinsunod sa proseso ng EIA.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply