Rehab center para sa mga adik itatayo sa Payatas

UPANG mabigyan ng mapagkakanlungan ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot ay magpapatayo ng rehabilitation center ang lokal na pamahalaan ng Payatas, Quezon City.

Sinabi ni Vice Mayor Joy Belmonte, sa 2012 pa maipapatayo ang nasabing pasilidad para sa mga rugby boy sa Q.C. Drug Treatment and Rehabilitation Center na kilala rin bilang Tahanan Rehab Center sa Payatas.

“Sa ngayon wala pa (tayong pasilidad para sa rugby boys), pero may isang bakanteng lote doon sa Tahanan kung saan natin puwede itayo ang facility para sa rugby boys,” pahayag ni Belmonte.

“Pero next year na natin masisimulan ang project na iyon,” ayon kay Belmonte na nagsabing hindi kasi naisama sa napondohang proyekto ngayong taon ang pasilidad para sa rugby boys.

Pinag-aaralan na umano ng tanggapan ni Belmonte ang pagpapatayo ng naturang pasilidad at nasa proseso na ang paghahanda para sa proyekto.

Iginiit pa ni Belmonte na dapat lamang na nakahiwalay ang treatment ng rugby o solvent boys sa mga drug addict dahil bukod sa hindi naman ipinagbabawal na gamot ang kinalululungan ng mga ito, karamihan sa kanila ay bata.

Magugunita na noong bise alkalde pa si Mayor Herbert M. Bautista, inamin ng alkalde na wala pang sapat na pasilidad ang Lungsod Quezon para sa rugby o solvent boys.

“Wala tayong facility that would cater for rugby boys. Dito sa atin sa Q.C. ina-accommodate natin sila sa rehabilitation centers natin, bagamat hindi sila dapat dun, in-allocate natin ang (isang lugar sa) rehabilitation center for rugby boys purposes lang,” sabi ni Bautista noon.

Ayon naman kay 1st District Councilor Dorothy “Doray” Delarmente, sa kanyang inihaing ordinansa sa Konseho, dapat na ipagbawal ang pagbebenta ng tingi-tinging rugby o solvent para makontrol ang paglabas nito sa merkado at hindi mapasakamay ng mga bata na karaniwang nalululong sa pagsinghot nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply