RH bill kakatayin pagkatapos ng Sona

TINYAK ng isang senador na hindi makapoporma ang nagsusulong ng Reproductive Health (RH) bill dahil kaagad na kakatayin ang panukala pagkatapos ng State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 25.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, hindi maipaliwanag ng mga nagsusulong ng RH Bill ang funding source ng panukala dahil mayroon nang naunang inilaan ang Kongreso para dito na hindi naman nakarating sa implementing units.

“Meron silang AO 2008 series na 0029 kung saan nagagamit nga nila ‘yung pondo na ‘yan para dun. Therefore, malinaw agad ‘yung sasabihin mong kailangan ‘yung RH bill para maipatupad ito. E, meron na nga kayong administrative order e, lahat nga nga laman ng RH Bill, pinapatupad n’yo na e,” ayon kay Sotto.

Partikular na tinutukoy ni Sotto ang P2.6 bilyon na inilaan ng Kongeso sa implementasyon ng Family Health for Maternal, Neonatal and Nutrition Program noong 2008, 2009, at 2010. Hindi umano nakarating sa local government units (LGUs) ang nasabing pondo.

“Itong funding source ang itsura e tagilid. So, sabi ko nga, may ginastos na pera; sabi ng dokumento nila, may listahan. Sabi nitong mga nakalista, hindi nila natanggap. Ang tanong, saan napunta ‘yung pera?” tanong ni Sotto.

Dahil dito, sinabi ni Sotto na hindi makalulusot ang RH Bill dahil matagal nang ipinatutupad ng Department of Health (DOH) ang lahat ng features o program na nakapaloob sa panukala na tinustusan simula pa noong 2008.

“What is contained in the RH bill are already being implemented by the Department of Health. Ang problema ‘yung funding may questionable expenditures,” giit ni Sotto.

Ipinaliwanag pa ni Sotto na nagpalabas ng administrative order ang nakaraang administrasyon noong 2008, partikular ang AO 0029 series of 2008, upang maipatupad ang lahat ng programa sa ilalim ng Family Health for Maternal, Neonatal and Nutrition Program.

“The big question for me is, why do we need a law? E, ginagawa na ng Department of Health yan,” paliwanag ng senador.

Tiniyak din ni Sotto na nakatakdang magkaroon ng joint inquiry ang Senate Blue Ribbon Committee, committee on finance at committee on health upang imbestigahan ang nawawalang P2.6-bilyon pondo para sa pagpapatupad ng naturang programa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply