RH bill minulto ng reklamo

HINDI pa man nasasalang sa debate sa plenaryo, marami ng senador ang nagpahayag ng matinding reklamo sa nilalaman ng committee report ng Reproductive Health Bill sa Senado.

Ibinunyag ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na pirmado ng 20 senador ang report ng Senate committee on health and demography ni Sen. Pia Cayetano sa RH bill, pero mahigit sa kalahati ay puro may reklamo sa panukala.

“Tingnan mo yung kopya ng committee report, majority ng nakapirma may sinabing reservations, amendments, comments. Ang tingin ko hindi bababa ng 12 ang may comment, ngayon ka lang makakakita ng committee report na ganun, aba eh delikado yun, ibig sabihin maraming kuwestiyon ang mga yun,”paglalahad ni Sotto.

Ipinaliwanag ng senador, chairman ng Senate committee on rules, na hindi maituturing na pabor sa committee report ang isang senador na nakapirma kung naglagay ito ng mga komento o reservations sa panukala.

Sa kabila nito, malakas pa rin ang loob ni Sen. Cayetano na makalulusot sa Senado ang RH bill oras na mapaliwanagan niya ang mga senador na may komento o reklamo sa panukala.

“Ako yung taong optimistic kasi I believe naman na may basis yung work na ginawa ko, hindi ko naman inimbento yun,”paliwanag ni Cayetano.

Nagbigay na ng sponsorship speech si Cayetano sa RH bill, pero sa second regular session ng 15th Congress pa sa Hulyo na inaasahang maisasalang sa plenary debate ang panukala.

Tanging si Sotto lamang ang komontra sa panukala at hindi naman nakalagda sa panukala sina Sen. Loren Legarda na nasa abroad, at Sen. Manny Villar. Hindi pa rin lumalagda si Senate President Juan Ponce Enrile.

May reserbasyon naman sa committee report sina Sens. Ramon Revilla Jr. Antonio Trillanes IV, Francis Pangilinan, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Manuel Lapid, Joker Arroyo, Franklin Drilon, Gregorio Honasan II and Juan Miguel Zubiri.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply