Sa ngalan ng hustisya

KUMPARA sa mga nakaraang Pangulo, si Presidente Noynoy Aquino ang walang kiyemeng kumokondina sa mga sumasaliwang tauhan.

Prangkang nagpapahayag ng saloobin ang Pangulo kapag ang opisyal ng kanyang pamahalaan ay hindi maayos ang trabaho.

Walang kuwestiyong siya’y sensitibo sa mga puna ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno na tamad at may kalokohan.

Ulat lamang ang marinig, kaagad  nagbibigay ng babala si P-Noy sa mga opisyal na sumasaliwa sa kanilang responsibilidad.

Maraming na siyang binalaang mga  opisyal na nagkukulang o gumagawa ng ‘di dapat sa kanilang mga opisina o departamento.

At kamakailan, ang mga pinuno ng Bureau of  Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa, Taguig ang binalaan.

Ito’y matapos mabalitaan ang ulat na  pagbibigay ng ispesyal na pagtrato ng mga jail guard sa nakakulong na Ampatuans.

Ayon sa ulat, ang mga Ampatuan ay malayang nagagawa ang bawal sa kanilang kulungan sa Camp Bagong Diwa jail.

Ipinahayag ni PNoy na sisibakin ang BJMP officials na nagbibigay ng VIP treatment sa mga Ampatuan, kung ang ulat ay may katotohanan.

Sa aksiyon na ito ng Pangulo, siguradong natutuwa ang iniwang maybahay ng kapatid na mamamahayag na si Bong Reblando.

Si Reblando ay isa sa 58 katao, (33 pa sa kanila ay mamamahayag) na pinagpapatay noong Nobyembre 23, 2009 ng Ampatuan family.

Ang karumal-dumal na pangyayaring ito ay nakatawag ng pansin sa buong mundo na naging ugat din ng pagkondena mula sa mga human right group.

Ang buong kapuluan na may pagpapahalaga ng buhay ay siguradong umaayon sa posisyon at aksiyon na ito ng Pangulong Aquino.

Na ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na gumagawa ng kalokohan ay dapat lang na managot at maparusahan.

Tama ang babalang ipinahayag ng Presidente sa mga nagbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga nakakulong na Ampatuan.

Dahil naniniwala at sigurado tayo – ginagawa lamang ni Pangulong Aquino ang tamang hakbang sa ‘ngalan ng hustisya’.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply