‘Salamat sa STBF’—MS Roger Salvador

ANG mani  ay isang uri ng ‘legume’ na ginagamit sa buong mundo na ginagamit sa produksiyon ng langis, butter, chocolates, cookies at iba pa.

Maaari ding kainin ng hilaw ang mani, busa o inihahalo sa iba’t ibang delicacies.

Mayaman sa protina ang mani. Gayundin sa lahat ng uri ng minerals. “Peanuts contain excellent levels of manganese, copper and magnesium,” ayon sa helath experts. Mabuti din itong pinagkukunan ng iron, phosphorous, potassium, zinc, selenium at  tryptophan. Nagtataglay din ng sodium ang mani.

Mabuting pinagkukunan din ng niacin at folate ang mani. Gayundin ng thiamin, Vitamin E, pantothenic acid, Vitamin B6 at riboflavin.

Alam mo ba na ang 100 gramo ng mani ay nakapagbibigay ng 567 calories ng enerhiya. “They are a very good source of monounsaturated fats,” base sa health expert. Mababa sa cholesterol at sodium ang mani.

Nakapagdudulot ng maaayos na resulta sa benepisyong pangkalusugan ang mani sa utak ng tao o memorya, tumutulong sa brain circulation at sa pagdaloy ng dugo. Dagdag pa dito, ang mani ay ‘god source’ din ng antioxidants. Kabilang din sa benepisyong pangkalusugan ng mani ay ang proteksiyon laban sa colon cancer, prostate cancer, breast cancer, heart disease at high cholesterol.

***

Magsasaka Siyentista Roger Salvador

HINDI matatawaran ang kaligayahan dulot ng tagumpay mula sa pagtatanim ng mani ng Magsasaka Siyentista (MS) na si Roger Salvador ng Jones, Isabela.

Labis-labis ang pasasalamat ni Mang Roger sa “Science and Technology-based Farm o STBF para sa gintong tagumapy na hatid ng kaniyang produksiyon ng mani.  Sinimulan at itinatag niya ito sa kaniyang bukid sa Barangay Arubub, Jones, Isabela noong 2007.

Ang STBF ay isang makabagong konsepto nang pagbabahagi ng kaalaman na may kinalaman sa agrikultura.  Nasa ilalaim ito ng programa ng Techno Gabay na inilunsad ng Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD).

Bilang MS para sa mani, inilaan ni Mang Roger ang kalahating ektarya ng kaniyang bukid sa STBF.  Ang kalahating bahagi naman nito ay inilaan sa pagtatanim ng mani gamit ang kaniyang mga dating sistema at paraan ng pagsasaka.

Kabilang sa mga makabagong sistema ng pagtatanim gamit ang STBF ay ang paggamit ng bagong ‘variety’; pagdadagdag ng dami ng binhi sa bawat butas at paglalaan ng tamng espasyo, inokulasyon gamit ang rhizobium, fertilization at ‘gypsum (hydrated calcium sulfate) side dressing.”

Base sa talaan ng PCARRD, sa unang yugto pa lamang ng kaniyang pagtatanim, nagkaroon na ng dagdag na kita si Mang Roger na umabot sa P20,551 bawat ektarya kumpara sa kaniyang kita sa ilalim ng kaniyang nakaugaliang sistema ng pagtatanim.

Subali’t ayon sa PCARRD, bagama’t ang kaniyang puhunan sa produksiyon sa ilalim ng STBF ay lumaki ng P8,000 bawat ektarya, naging mahigit naman sa tatlong doble ang kaniyang kita.

Kaya ayon sa mga eksperto sa teknolohiyang ito, dahil sa unang resulta nito, labis na hinangaan ni Mang Roger ang mabuting idinulot ng teknolohiya na ginamit sa STBF.  Sa katunayan, hindi na hinintay pa ng MS ang pormal na pagtatapos ng proyekto.
Agad niyang ginamit ng tuluyan ang mga nasabing teknolohiya sa kabuuan ng kaniyang bukid sa ikalawa at ikatlong yugto ng proyekto.

Isinalaysay pa ng PCARRD na pagkatapos ng ikatlong yugto ng pagtatanim, ang mga teknolohiya na ginamit sa STBF ay nagbigay ng karaniwang ani na 3,048 kilo bawat ektarya kumpara sa karaniwang 2,237 kilo bawat ektarya sa ilalim ng dating sistema.

Dahil dito, nangangahulugan lamang na ang mga makabagong teknolohiya ay nakapagbigay ng dagdag ani na 811 kilos kada ektarya sa bawat yugto ng pagtatanim.

Bagama’t may dagdag gastos sa makabagong sistema na karaniwang umaabot sa P7,084 kada ektarya sa bawat pagtatanim.  Ang dagdag na kita naman ay karaniwang umaabot sa P24,361 bawat ektarya sa bawat pagtatanim.  Samakatuwid, ito ay nakapagbigay ng dagdag na neto ng kita na P15,357 bawat ektarya sa kada pagtatanim.

Sinabi pa ng PCARRD na sa kasalukuyan, ang mga nagtatanim ng mani sa bansa ay karaniwang umaani ng 1.1 tonelada bawat ektarya.  Sa Region 2, gamit ang mga tradisyunal na pamamaraan, ang mga magsasaka ay karaniwang umaani ng 1.2 tonelada bawat ektarya ng mani.

Sa pagkakaroon ng mga makabagong ‘variety ng mani gaya ng ‘Asha’ (NSIC Pn 15) kasabay ang makabagong teknolohiya, ang mga magsasaka ay maaari nang umani ng mula 2.8 hanggang 3.2 tonelada gaya ng tinatamasang ani ni Mang Roger.

Batay sa potensiyal na ani ng Asha na 3.5 tonelada bawat ektarya, ang kagalingan ng nasabing variety pagdating sa produksiyon ay umaabot sa 87 porsiyento.

Ang tagumapy na ito sa nasabing teknolohiya ng mani ay pinatunayan din ng iba pang Magsasaka Siyentista sa Isablea gaya nina MS Rodrigo Reyes ng Barangay Yeban Sur at Benito Soliven ng Isabela.

Sa naging panayam ng ng PCARRD kay MS Reyes, ibinahagi nito ang kaniyang magandang ani at kita sa paggamit nito ng Asha variety ng mani.

Dahil nga sa tagumapy ng STBF sa mani, maraming magsasaka ngayon ang nagpahayag ng interes na gamitin na rin ang bagong teknolohiya na ginamit sa STBF ganoon din ang ‘salit-pagtatanim ng mais sa mani.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply