Same sex marriage binatikos ng CBCP

BINATIKOS ng matataas na lider ng Simbahang Katoliko ang ‘same-sex wedding’ na idinaos ng Metropolitan Community Church (MCC) of Metro Baguio sa Baguio City nitong Sabado, Hunyo 25.

Ayon kina Baguio City Bishop Carlito Cenzon at Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, walang bisa ang naturang kasalan at ‘bahay-bahayan’ lamang.

Ipinaliwanag ni Cenzon na ang pagpapakasal ng mga tomboy, bakla, bisexual at transgender na pinayagan ng mga ministro ng MCC ay walang bisa dahil ang kasal ay ‘holy union’ o banal na pag-iisa sa pagitan ng isang babae at isang lalaki lamang at hindi ng mga magkakapareho ang kasarian.

Nilinaw pa ng Obispo na mahigpit na ipinagbabawal ng Civil Code ng Pilipinas at Simbahang Katolika ang “same sex marriages.”

Klinaro rin ng Obispo na ang nasabing grupo ay hindi bahagi at hindi kinikilala ng Simbahang Katoliko.

Sinabi pa ng Obispo na ang problema ng lipunan ay maraming ‘pakulo’ ang iba’t-ibang grupo para lamang magpapansin o “public nuisance” tulad ng naganap na “same-sex wedding”.

Hinamon din ng Obispo ang pamahalaan na kumilos laban sa isinagawang same-sex marriage dahil labag ito sa batas at hindi magandang ehemplo sa mga kabataan at lipunan.

Ayon naman kay Cruz, ang nangyaring kasalan sa pagitan ng mga magkakapareho ang kasarian ay salungat sa batas ng kalikasan at sa kalooban ng Diyos dahil ang kasal ay para lamang sa lalaki at babae.

Giit ni Cruz, kahit pa ilang ulit na magpakasal ang dalawang taong pareho ang kasarian ay mananatiling walang bisa ito at hindi kinikilala sa batas ng Diyos.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply