Sarah mawawala na sa Kapamilya network?

MADALAS sa showbiz na mayroong mga totoo na hindi muna sinasabi pero pagdating ng tamang panahon ay nagkakagulatan na lang tayo na totoo nga pala ang isyu. Katulad na lamang ng isyu nina Sarah Geronimo at ng ABS-CBN. Kasama na siyempre ang Star Cinema. Magkasunod na nagpaliwanag ang kampo ng Dos pati na si Sarah na walang katotohanan ang kumakalat na balitang nagkakalamigan na sila para magkasama pa sa anumang proyekto.

Sobrang pinaiinit ngayon ang kasikatan ng baguhang singer na si Angeline Quinto sa bakuran ng ABS at the expense of Sarah. Marami nga ang nagdududa kung anong pakulo ito? Mawawala na ba talaga si Sarah sa Kapamilya network ngayong mayroon doong biriterang singer na pinasisikat? Lumulutang lagi sa bulung-bulungang kuwentuhan sa showbiz na hindi sa GMA-7 kundi malamang talaga na sa TV5 mapupunta si Sarah kapag nagkaroon ng kagulat-gulat na lipatan.

Hindi ito imposible. Kahit pa nga si Sarah ay sumikat sa ABS. Kasi nga, ang humahawak ng movie career ni Sarah ay ang Viva Films ni Mr. Vic del Rosario. Kasamahan niya roon sina Anne Curtis at Cristine Reyes.

Maganda ang samahan ngayon nina Mr. Del Rosario at ni Mr. Manny V. Pangilinan ng TV5, kaya hindi na nakasusorpresa kung magkaroon ng lipatan at mapanood na lang natin bigla ang anak ni Mommy Divine Geronimo sa Singko.

Malulungkot nga lang siyempre ang Pop Princess dahil kung lilipat siya ng Kapatid network ay mami-miss niya ang marami niyang mga kaibigan sa Kapmilya network.

***

KONTROBERSYAL talaga parati ang relasyon nina Angelica Panganiban at Derek Ramsay. Walang kupas at hindi sila nagpapahinga na laging nababalita. Pinakamatindi na siyempre itong huli kung saan nalalagay sa alanganing sitwasyon ang credibility ng guwapong actor tungkol sa pagiging lagi niyang honest sa kanyang karelasyon na diumano’y kaya nagtatagal ang kanilang pagmamahalan ay dahil wala naman siyang inililihim kay Angelica.

Mapanghusga naman kaagad ang marami at inaabangan kung gaano ulit magiging matapang si Angelica na harapin ang isyung ito tungkol sa diumano’y unang babae na pinakasalan ni Derek.

Nakahanap ng butas ang mga kakontra ng magandang aktres na hamunin siya dahil diumano sa kanyang mga naging kayabangan dati na akala mo siya’y laging aagawan ng boyfriend dahil sa mataray niyang mga pahayag na ikinaiirita ng marami.

In fairness naman kay Angelica, magsasalita naman siya, eh. Kaya lang, mag-iisip muna siya kung kailan at paano. Kailangan muna siyempre nilang pag-usapan ni Derek ang tungkol sa maselang isyu na nagaganap ngayon. Mahaba na rin ang kanilang pinagsamahan at kung naging honest talaga sa kanya si Derek, marahil nga ay ipagtatapat na nito sa kanya dati ang tungkol sa babaing unang pinakasalan, na ngayon lang nabulgar sa showbiz.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply