Security agency sa P’ñaque nilooban, 3 patay

HUMANTONG sa madugong enkuwentro ang pakikipagbarilan ng apat na holdaper na nanloob sa isang security agency sa Parañaque City nang mapatay ang tatlo sa kanila, kabilang ang isang pulis.

Patay kaagad sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Rowell Masudog, Melvin Mabilgas ng Editorial St., Fourth Estate Subdivision, Parañaque habang naisugod pa sa Parañaque Medical Center si PO3 Ulpiano Bulido, Jr., nakatalaga sa Police Protection Group sa Camp Crame subalit patay na rin nang idating sa naturang pagamutan.

Nadakip naman ng mga tauhan ng District Special Operations Group ng Southern Police District (DSOP-SPD) sa pangunguna ni Chief Insp. Allan Umipig ang ika-apat na suspek na si Martin Ty, 24 ng Sitio Libjo, Multi National Village, Parañaque na isinasailalim sa masuging interogasyon.

Sa ulat ni PO2 Mac Arthur Encaltado, Jr., ng Station Investigation and Detective Management Section ng Parañaque police, nagkakasiyahan sa loob ng Prime Security Agency sa Blk 02 Lot-06 El Puente Buello sa 4th Estate ang pamilya ng may-ari ng security agency na si Willie Sta. Romana, 33 dahil sa pagdiriwang ng kaarawan ng kapatid nitong babae nang pumasok ang mga suspek na pawang armado ng baril dakong alas-9 kagabi.

Tinangay ng mga suspek ang P85,000 cash at 14 piraso ng kalibre .38 baril na pag-aari ng security agency, pati na ang iba’t ibang uri ng cellphone bago tumakas, sakay ng dalawang motorsiklo.

Pero bago pangyayari, nakatanggap na ng impormasyon ang DSOP-SPD sa isasagawang panghoholdap ng grupo sa 4th Estate Subdivision kaya mabilis silang nakapagresponde nang humingi ng tulong si Sta. Romana habang papatakas ang mga salarin.

Nabawi sa mga salarin ang tinangay sa salapi, baril at mga cellphone, pati na ang ginamit nilang mga armas na kinabibilangan ng kalibre .45, isang paltik na kalibre .38 at isang kalibre .22 magnum.

Napag-alaman na dating security guard ng ahensiya si Mabilgas kaya  batid ng grupo na malaking halaga ng salapi ang matatangay nila sa naturang establisimiyento.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply