Serye ng Remate tagumpay vs smugglers

DAHIL sa sunod-sunod na pagbubulgar ng pahayagang Remate kaugnay sa pagpasok sa bansa ng dalawang Indian nationals na napatunayang peke ang ginamit na Philippine visa, tuluyan nang tinuldukan ng Bureau of Immigration ang usapin matapos masakote ng operatiba ng kawanihan ang isa sa mga dayuhan sa lungsod ng Antipolo kamakalawa.

Sa ulat na ibinigay kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr. natimbog ng mga beteranong operatiba mula sa Intelligence Division si Shinderpal Kaur, 38 at isang Lakhvir Singh sa tinutuluyang tirahan ng mga ito sa Barangay Dalig, Antipolo City.

Batay sa impormasyon, magkasama sina Shinderpal at Singh at niyaya ng lalaki ang asawa upang manirahan sa Pilipinas, gamit ang pekeng bisa batay na rin sa ipinalabas na sertipikasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang dalawa ay inaresto bunsod na rin nang ipinalabas na mission order ni David sa mga tauhan ni BI Intelligence Chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang.

Sinabi pa ni BI deputy Intelligence Chief Jerome Gabionza, kusang loob na sumama sa operatiba sina Shinderpal at Lakhvir matapos ipaalam sa mga dayuhan ang kanilang pakay.

Ayon pa kay Gabionza, nakipag-ugnayan din ang mga operatiba sa mga opisyal ng barangay at sinamahan ang mga ito sa tinutuluyang bahay ng mga dayuhan.

Matapos ang ilang oras na pag-uusap, sumama rin ang mga dayuhan sa mga operatiba sa pamumuno ni Ceasar Gonzales at dinala ang mga ito sa punong tanggapan ng kawanihan sa Intramuros, Maynila.

Kasama ni Gonzales na nagtrabaho para matibog ang mag-asawa ay sina Intelligence Agents Apolonio Atienza, Protacio Arcilla Jr., Nasser Habji Wahid, Ikram Abdulmalik at Armando Bueser.

Inihahanda na rin ng BI-Legal and Investigation Dvision sa pamumuno ni Atorni Arvin Santos ang pagsasagawa ng summary deportation proceedings laban sa mga dayuhan upang mapatalsik at pagbawalan na muling makapasok pa sa Pilipinas.

Hinggil naman sa kinaroroonan ng isa pang dayuhang Bumbay na kinilalang si Jaspal, sinabi rin ng kawanihan na may isa pang grupo ng mga operatiba ang nagtratrabaho upang masakote rin ito.

Pinasalamatan naman ni David ang operatiba ng kawanihan sa kanilang pagpupursige na madakip ang mga dayuhan matapos na ibulgar ng pahayagang Remate ang illegal na pagpasok sa bansa ng mga dayuhan.

Matatandaan na ang pahayagang Remate ang nagbulgar sa illegal na pagpasok nina Shinderpal at Jaspal sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Abril 21 mula sa bansang Malaysia.

Ang ilegal na pagpasok sa bansa nina Shinderpal at Jaspal ay nag-resulta rin sa pagkakasibak ng apat na opisyal at miyembro ng TCEU.

Sa ginawang pagbubulgar ng pahayagan, magkaroon umano ng kalituhan sa hanay ng TCEU kung sino kina Atorni Anthony Bautista, umano’y nagmula sa tanggapan ni David at isang nagngangalang retired Gen. Lino Calingasan na umano’y chief of staff ni David ang susundin.

Ipinag-utos umano ni Atorni Bautista sa mga taga-TCEU na pakawalan at papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan, sa utos umano ni Comm. David.

Taliwas naman ito sa naging utos ni Calingasan na nagsabing pabalikin sa Malaysia ang mga dayuhan at isailalim sa ‘exclusion proceedings.’

Dahil sa magkakasalungat na mensahe, napilitan si David na magpalabas ng direktiba na nag-aatas sa lahat ng immigration officer sa mga pambansang paliparan na walang ipatutupad na ‘waiver of exclusion’ kahit na may isang awtorisadong kinatawan nito ang tumawag sa paliparan upang papasukin ang isang pasahero.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply