Simbahan tutol sa Marcos burial sa ‘Libingan’

HINDI rin pabor ang ilang obispo ng Simbahang Katoliko na mailibing si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon kina Sorsogon Bishop Arturo Bastes at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, maraming karapatang-pantao ang nilabag ng dating Pangulo kaya hindi ito karapat-dapat mailibing sa nasabing sementeryo na laan para sa mga tinuturing na mga bayani ng bayan.

Sinabi ni Bastes na maging siya ay nakaranas din noon ng kalupitan sa ilalim ng rehimeng Marcos, kung kailan marami aniyang mga pari ang pinaslang at bigla na lamang nawala.

“Pabor ako sa pahayag ng Pangulo (Benigno Aquino III). I know. I suffered very much even under martial law. As a priest noon in Surigao del Norte, I was a pastoral coordinator and one of my men who was teaching the Bible, basic Bible seminar in the mountains then, he was eliminated. Bigla na lamang siya nawala because he was teaching the Bible. He was accused as rebel against Marcos,” ayon kay Bastes, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Sinabi naman ni Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na dapat munang sagutin ng pamilya Marcos ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao na kinakaharap ng dating Pangulo bago pag-usapan kung dapat ba itong ilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon kay Pabillo, pabor siya sa pahayag ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na hindi dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani dahil marami pang kaso ang hindi pa nasasagot ng pamilya Marcos.

Giit ng Obispo, dapat ding ibalik ng pamilya Marcos ang sinasabing nakaw na yaman ng dating pangulo.

“Hindi lang sa panahon ni Pangulong Aquino. Dapat sa lahat ng panahon ay hindi ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating pangulong Marcos. Dapat munang sagutin ang tanong kung bayani bang maituturing o hindi ang dating pangulo.  Dapat sagutin muna ng pamilya Marcos ang mga akusasyon lalong lalo na kung may nagawang masama o kinuwang pera sa bayan ay dapat ibalik sa bayan,” ani Pabillo.

Una nang tinanggihan ni PNoy ang kahilingan ng pamilya Marcos na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Marcos.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply