Smoking ban sa Maynila aprubado sa CBCP

SANG-AYON ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpapatupad ng smoking ban sa Metro Manila at sa iba pang panig ng bansa.

Kasabay nito, iginiit pa ng mga opisyal ng CBCP na patawan ng tax ang “sin products” tulad ng sigarilyo at mga alak, upang ma-discourage ang mga tao na tangkilin ang mga ito.

Ayon kay Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo, chairman ng Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care ng CBCP, kung maaari nga lamang ay sa buong bansa at sa buong mundo na ipatupad ang smoking ban.

Hindi naman na aniya bago pa ang naturang kautusan at dapat sana ay matagal nang ipinatupad dahil ang paninigarilyo ay nakasisira sa kalusugan.

“Dapat naman talaga matagal ng inimplement yan na ika nga beyond reasonable doubt, na very dangerous sa health kahit na sa indirect smoker,” ayon pa kay Arigo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Ganito rin naman ang pananaw ni Malolos Bishop Jose Oliveros, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Bioethics, at sinabing hindi lamang ang kalusugan ng smoker ang nanganganib kundi maging ang kalusugan ng mga taong nakakalanghap ng second hand smoke.

Iminungkahi pa nito na patawan ng tax ang mga bisyo upang ma-discourage umano ang mga tao na malulong dito.

Una nang pinaigting ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang smoking ban sa Metro Manila, na suportado ng maraming ahensiya ng pamahalaan.

Batay sa 2010 tobacco tax report, umaabot na sa 17.3 milyong Pilipino ang naninigarilyo mula sa edad 15 anyos o 28.3 percent ng 94 milyong populasyon ng bansa.

Ayon pa sa ulat, umaabot sa P100 kada linggo ang gastos ng isang tao sa paninigarilyo o 15% ng kaniyang kita.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply