Smuggler ng corals kinasuhan na ng BFAR

PORMAL ng inihain ngayon, Hunyo 28, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kaso laban sa mag-asawang negosyante na sangkot umano sa smuggling ng black corals.

Ayon kay Asis Perez, direktor ng BFAR, isinampa na nila ang reklamo sa Zamboanga City Prosecutors Office laban kina Olivia Li at Li Yu Ming, may-ari ng Li and Lim Trading.

Kasama ng BFAR ang Philippine National Police at ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City na nagdemanda ng kasong paglabag sa section 97 ng Fisheries Code of the Philippines gayundin ang paglabag sa administrator order 208 at Fisheries order 158 na nagbabawal sa pagngongolekta at eksploytasyon ng coral species sa karagatan ng Pilipinas.

Kabilang din sa kinasuhan si Pacita Angeles, empleyado ng Li and Lim Trading at ang mag-asawang Benny Yu at Rosario Yu na may-ari ng warehouse kung saan natagpuan ang mga black corals.

Maliban sa black corals, nakumpiska din sa warehouse ang red, white at bamboo corals, gayundin ang mga shell at giant clams.

Naganap ang pagkakakumpiska ng naturang mga lamang-dagat may ilang linggo na ang nakararaan sa operasyong magkatuwang na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Navy (PN), Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at BFAR.

Una nang ipinahayag ni Perez sa Senado noong Hunyo 6 na pinaghahandaan na ng BFAR ang pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa mga suspek na diumano’y nasa likod ng pagpupuslit ng naturang mga lamang-dagat.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply