Testigo sa Maguindanao massacre ‘di pinagsalaysay ng korte

HINDI pinagsalaysay ang isang saksi sa Maguindanao massacre nang ipagpaliban ng korte ang pagbibigay niya ng testimonya hanggat hindi naibababa ang resolusyon sa mosyon na inihain laban sa kanya.

Dapat ay si Kenny Dalandag ang unang testigo na isasalang ng prosekusyon laban sa patriarka ng angkan ng mga Ampatuan na si Andal Ampatuan, Sr., ngunit kinuwestiyun ng mga abogado ng depensa ang kapabilidad at kaangkupan niya bilang saksi.

Ang mga Ampatuan ang makapangyarihang angkan na itinuturong nasa likod ng nasabing Maguindanao massacre na ikinamatay ng 57 katao na binubuo ng mga kaanak ng kanilang kalaban sa pulitika na si Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu, mga mamamahayag at iba pa.

“The prosecution did not even lift a single finger to charge the witness… (his testimony) will only be prejudicial on the part of the accused,” ayon sa abogado ng depensa na si Andres Manuel.

Bago ito, inamin ni Dalandag na miyembro siya ng private army ng angkan ng Ampatuan na pumatay sa naturang mga biktima noong Nobyembre 23, 2009 sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Ayon kay Sigfrid Fortun, abogado ni Andal Sr., at ng anak nitong si Andal Jr., hindi madaling maging testigo kaagad si Dalandag dahil kinakailangang makumpleto muna niya ang mga requirement upang kilalanin saksi at hindi akusado sa krimen, alinsunod na rin sa  Rule 119, Section 17, ng Rules of Court.

Bilang tugon, sinabi ni Prosecutor Nestor Lazaro na tinanggap na si Dalandag sa  Witness Protection Program ng pamahalaan na ang sinusunod ay ang Witness Protection Law at hindi ang Rule 119 ng Rules of Court.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply