Traffic enforcers ng MMDA binalasa

BILANG bahagi ng pagsasaayos ng pagdidisiplina binalasa ang hanay ng mga traffic enforcer sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang maalis ang pamilyarisasyon sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Karamihan sa mga naapektuhan sa ginawang pagbalasa ay ang mga traffic enforcer sa Maynila, Quezon City, area ng Pasay, Pasig, Paranaque at Makati city na pawang mga pamilyar na sa kani-kanilang mga area of responsibility.

Bagamat may bentahe umano ang pagiging pamilyar ng mga enforcer sa lugar na kanilang nasasakupan, may ilang mga “disadvantages” naman na nakikita si MMDA Chairman Francis Tolentino.

Binigay na halimbawa ng opisyal ang mga iligal na terminal at pagpapahintulot sa pagbiyahe ng mga trailer truck kahit may umiiral pang truck ban sa lungsod ng Maynila na pinalalagpas na ng ilang mga tauhan ng MMDA at ang patuloy na kawalan ng disiplina ng mga tsuper ng pampasaherong jeep na nagbababa at nagsasakay sa gitna ng kalye.

Dinagdagan din ang traffic enforcers na itinalaga sa Quezon City partikular na sa Commonwealth Avenue na tinaguriang “killer highway,” sa kahabaan ng EDSA at sa Quezon Avenue na inaasahang magiging masikip na ang daloy ng trapiko dahil sa pagsisimula ng underpass sa kanto ng Araneta Avenue.

Samantala, nagbanta naman si Tolentino na agad na bibigyan ng kaukulang disciplinary action ang mga traffic enforcer na hindi makapagbibigay ng maayos na serbisyo upang hindi tularan ng iba.

Nilinaw naman ni Tolentino na hindi ang kanilang ahensya ang nagbibigay ng pahintulot sa illegal terminals ng pampasaherong jeep at maging mga tricycle kaya hindi rin dapat sisihin ang kanilang mga traffic enforcer sa pananatili ng mga ito, lalo na sa mga secondary road ng bawat lungsod.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply