Travel advisory ng US sa PH, binatikos ni Gringo

MATINDING binatikos ni Sen. Gringo Honasan ang ipinalabas na bagong travel advisory ng U.S. embassy sa kanilang kababayan hinggil sa pagpunta sa Pilipinas, partikular sa lugar na malapit sa Spratly Islands at Mindanao.

Sa pahayag ni US Ambassador Henry Thomas, “all out support” ang Washington sa anumang kaguluhan na mangyayari sanhi ng panghihimasok ng China sa Recto Bank na nasa Western Philippine Sea.

Ayon kay Honasan, parang hindi katanggap-tanggap ang bagong travel advisory ng United States.

“… matapos silang (United States) magpahayag ng support sa Pilipinas, ngayon bigla na lamang silang tila naghahasik ng pananakot?” giit ni Honasan.

Inihayag ni Thomas sa Iloilo City na susuportahan ng US ang Pilipinas sa lahat ng larangan nito, kabilang ang posibleng sigalot sa Spratlys Island na kasalukuyang kinakamkam ng China.

Ngunit, kinabukasan bigla na lamang nagbago ang ihip ng hangin sa embahada ng US sa Maynila dahil nagpalabas ito ng negatibong travel advisory para sa kanilang nationals na naglilibot o nakatira sa bansa.

Ayon kay Honasan, mas mabubuting kung mapatutunay ng Amerikano na kaalyado nga nito ang ating bansa sa pamamagitan ng pagsugpo sa terorismo sa halip na magpalabas ng negatibong travel advisory na lubhang makakaapekto sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

“Hindi lamang naman sa Pilipinas may terorismo, kundi maging sa buong mundo at mas mapanganib pa nga ang banta sa Amerika sa ibang lugar kung tutuusin,” giit ni Honasan.

Iginiit ng Palasyo na nakatakdang tumulong ang Pentagon sa Pilipinas sakaling sumiklab ang kaguluhan sa Spratlys Island dulot ng pinagtibay ng Mutual Defense Treaty (MDT) na dapat tutulong ang US sa anumang external threat sa Pilipinas.

“Malaki ang epekto ng ganitong uri ng travel advisories sa ating ekonomiya kaya sa halip na magpalabas ng ganitong uri ng babala, tulungan na lang (nila) ang Pilipinas at patunayan na kaalyado nga nila tayo at tutulungan sa lahat ng ating kinahaharan,” giit pa ni Honasan.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply