Tulong ng Asean dapat hingin ng PH vs China

NANAWAGAN kahapon ang isang mambabatas na hingin ng Pilipinas ang tulong ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) upang maresolba ang problema ng bansa sa China hinggil sa isyu ng Spratly Islands.

Ayon kay Akbayan Party-list Rep. Walden Bello, hindi US kundi Asean ang dapat umayos ng problema ng Pilipinas sa China dahil siniguro na ng isang United States (US) Embassy official na hindi sila makikialam sa problema ng Pilipinas.

Ayon naman kay Deputy Speaker Zamboanga City Maria Isabelle Climaco, Asean talaga ang pinakamagandang forum ng bansa sa nasabing problema sa Spratlys, dahil may claim din ang ibang miyembro nito sa nasabing isla, tulad ng Vietnam at Malaysia.

Dapat umanong magkaisa ang lahat ng bansang may claim sa Spratlys upang malaman ng China na hindi tayo nag-iisa.

Sinabi naman ni University of the Philippines (UP) Center for Policy and Executive Development Director Prospero de Vera na pwedeng maiwasan ang kaguluhan kung ang Asean nga ang makikialam.

Mas maganda umanong Asyano sa Asyano ang nag-uusap upang hindi ito matuloy sa giyera.

Naulit ang agawan sa teritoryo sa Spratly matapos makita ang isang China Marine Surveillance vessel at ilang barko ng People’s Liberation Army Navy sa Iroquois Reef-Amy Douglas Bank sa West Philippine Sea (South China Sea).

Inihahanda na umano ng bansa ang pormal na reklamo sa United Nations laban sa China.

Sa gitna ng kaguluhan, sinabi ni US Embassy spokesperson Rebecca Thompson sa isang balita sa Washington na hindi makikialam ang US sa nasabing problema kahit pa mayroong mutual defense treaty ang Pilipinas at US mula pa noong 1951.

Ayon naman kay Defense Undersecretary Ed Batac, gagawin ng Pilipinas ang lahat upang maayos ang alitan sa China.

Gayunman, inamin din niyang walang kakayahan ang bansa upang makipaggiyera.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply