Umento sa kasambahay inipit ng Kamara

WALA pang matatanggap ng umento sa sahod ang lahat ng kasambahay sa bansa tulad ng katulong, yaya, hardinero at family driver dahil mistulang inipit ng Mababang Kapulungan ang counterpart bill na magdadagdag sa kanilang suweldo.

Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, dapat nang pagtibayin ng Mababang Kamara ang counterpart bill ng Kasambahay Bill na nauna nang inaprubahan ng Senado alinsunod sa pagkilala ng International Labor Organization (ILO) sa nabanggit na hanay.

Iginiit pa ni Estrada na kung nakatatanggap ng kahit kakarampot na umento at allowance kada taon ang manggagawa sa pribadong sektor, hindi pa nadaragdagan ang sweldo ng kasambahay simula noong 1993.

“It has been eighteen years already since 1993 when the salaries of our kasambahays have been raised. Plus, we know that this sector of our labor force is oftentimes overworked but underpaid, delivering round-the-clock service at every call of their employer,” paglalahad ni Estrada, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resource development.

Aniya, hind malayong magbilang pa ulit ng ilang taon ang mga kasambahay para makamit ang wage increase kung patuloy na iipitin ng mga kongresista ang counterpart bill sa Kamara de Representantes hinggil sa Kasambahay Bill na pinagtibay sa Senado.

Sa ilalim ng bersyon ng panukala ni Estrada na noon pang Disyembre 2010 pinagtibay ng Senado sa ikalawa at ikatlong pagbasa, ang mga household worker na kinabibilangan ng maids, kusinero, yaya at houseboy sa Metro Manila ay magkakaroon ng monthly minimum wage na P 2,500, habang sa chartered cities naman ay P 2,000.

Inoobliga din ang mga employer o amo na ipamiyembro sa Social Security System (SSS), Philhealth at Pag-Ibig ang kanilang kasambahay upang sa gayon ay makakuha din sila ng benepisyo.

“PNoy must certify this bill as urgent as the Philippines had already committed to the international community that it will be one of the first countries to ratify the Domestic Workers Convention of 2011. Further, it is also our country as chairman of the ILO Committee on Domestic Workers that steered the passage of this measure. Otherwise, our policies would be perceived as inconsistent and hollow,” diin ni Estrada. Ernie Reyes

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply