‘Village university’ pinasinayaan ni PNoy

BINUKSAN na ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang Gawad Kalinga Center for Social Innovation (GKCSI) na maglalapit ng negosyo sa mga tao.

Pinasinayaan ng Pangulo ang nasabing “village university” ng pansibikong samahang Gawad Kalinga (GK) na ayon kay Antonio Meloto, tagapagtatag ng GK, ay magtuturo at magsasanay sa mga mag-aaral, kabataan, residente, at negosyante kung paano lumikha ng mga produkto yari sa mga materyales na mula dito sa Pilipinas.

Pinangalanang Gawad Kalinga Enchanted Farm, ang GKCSI na matatagpuan sa Barangay Encanto, Angat ang una sa 24 na CSI sa buong bansa na lumilinang sa mga bakanteng lote upang mapakinabanagan at mapagtayuan ng mga laboratoryo at pook destinasyon.

Binigyang diin ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng misyon ng GK na makalikha ng 500,000 “social entrepreneur” sa loob ng anim na taon.

Aniya, isang instrumento ang GK sa pagpapaunlad ng bansa—mula sa pagtatayo ng mga bahay hanggang sa pagkakaloob ng kabuhayan sa mga tao

Sa harap ng mga volunteer mula sa Europe at Singapore, sinabi niya na hindi na dapat mabahala ang mga tao sa pagtatayo ng negosyo sa bansa dahil sa pinabilis na pagpoproseso ng dokumento sa mga munisipsyo at siyudad.

“Panahon na para baguhin ang kultura ng pangamba sa pagnenegosyo. May oportunidad na tayo na umasenso. Hindi na dapat mangamba na sa kickback lamang mauuwi ang buwis na inyong binabayad.”

Bahagi ang GKCSI ng ikalawang yugto ng 2024 roadmap ng GK upang “tuldukan ang kahirapan sa bansa.”

Ayon kay Meloto, 60, lilikha ang GKCSI ng mga gawang Pilipinong produkto na mura at yari sa mataas na kalidad na mga materyales mula sa Pilipinas upang paunlarin ang buhay ng mga mahihirap.

Aniya, ang GKCSI ay isang village university para sa mga umuunlad na Pilipino na magsasanay sa bagong henerasyon ng mga social entrepreneur.

Ipinaliwanag ni Meloto na ang Enchanted Farm ay bunga ng tatlong pinagsamang konsepto. Aniya, magiging isang village university ang nasabing lugar na may mga silid-aralan kung saan sasanayin ang mga estudyante sa pagnenegosyo.

Tuturuan naman ang mga pausbong na negosyante sa ikalawang bahagi ng sentro, ang Silicon Valley, na gumawa ng orihinal na mga produktong Pilipino sa pamamagitan ng suporta ng 50 iba’t ibang establisyimento sa bansa na magkakaloob ng kani-kanilang mga produkto at gamit.

Tinagurian naman ni Meloto na “Disneyland ng social tourism” ang Enchanted Farm dahil makikita rin aniya ng mga dayuhan at lokal na bisita sa sentro ang mga problemang kinahaharap ng mga Pilipino at kung paano nila sinosolusyunan ang mga ito.

Dumalo rin sa pagdiriwang sina Finance Secretary Cesar Purisima at Trade and Industry Secretary Gregory Domingo. Itinanghal sa isang eksibit ang mga produkto na gawa sa mga lokal na materyales gaya ng mga kasangkapang gawa sa kawayan, tsokolate, bag na yari sa  lily, at mga masusustansiyang pagkain gawa sa iba’t ibang sangkap. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply