Vizconde case: 20 taon uli? Ampatuan case: 40 taon?

ANO-ANO nga kaya ang mangyayari sa mga kasong katulad ng Vizconde massacre at Ampatuan o Maguindanao massacre?

Naiisip natin ang mga kasong ito, mga Bro, dahil sa nakapapagod na takbo ng katarungan sa mahal kong Pinas. Nakapapagod dahil sa sobrang bagal nito.

Klaro na inabot ang kasong Vizconde ng 20 taon at bukas ang saktong petsa para sa ika-20 taon nito. At dahil isasalang muli sa reinvestigation ang kasong ito dahil sa mga newly discovered evidence, aabutin pa rin kaya ito ng 40 taon?

Yang problema lang ng double jeopardy ay matagal na pag-aawayan kung seseryosohin na muling akusahan ng gobyerno sina Hubert Webb sa pagkamatay ni Estrella Vizconde at mga anak nitong sina Carmela at Jennifer. Ni-rape rin si Carmela.

Double jeopardy ang pagsasampa ng kasong ka-pareho ng nakalipas na kaso at dahilan ito para ibasura ang bagong kaso. Sakaling pagbibigyan naman ng hukuman na muling ungkatin ang kaso, anak ng pagong, katakot-takot na pagong ang magtatakbuhan sa paligid para hamunin ang Regional Trial Court, Court of Appeals at Supreme Court sa takbuhan.

Baka pakakainin lang ng mga pagong ng alikabok ang mga huwes at hukom diyan.

AMPATUAN MASSACRE

Hindi kaya matutulad ang Ampatuan massacre sa Vizconde massacre? O baka naman mas masahol pa ang aabutin nito.

Dahil may malaking pagkakaiba ang dalawang massacre. May pumapatay sa mga testigo sa Ampatuan massacre ngunit wala sa Vizconde. Ito ang isang magpapabagal sa kaso dahil sa takot ng mga testigo.

Pero sadyang marami ang akusado sa kasong ito dahil nasa 200 lahat at kalahati lamang ang nasa kulungan para malitis. Yang pagsasalang lang ng lahat ng ito sa witness stand ay aabutin hindi lang ng siyam-siyam kung sampu-sampu.

Baka patay na ang lahat ng huwes, piskal at abogado na humahawak ngayon sa kaso, pati ang mga complainant at akusado, eh, hindi pa tapos ang kaso.

At kung 40 taon at mahigit pa ang itatagal ng kaso, patay  na rin lahat ang mga hukom sa Supreme Court bago magkaroon ng pinal na desisyon.

Wala na ring pag-aawayan nina Gloria at PNoy na midnight appointments.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply