Walang monopolyo sa PLDT-Digitel merger

TINIYAK ni Senate President Juan Ponce Enrile na walang nagaganap na monopolyo sa pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at Digitel Mobile Philippines Inc., dahil may regulatory agency na tututok sa industriya.

Kasabay nito, tiniyak din ni Atty. Ray Espinosa,  chief legal counsel ng Regulatory and Franchising ng PLDT na mas lalawak pa ang serbisyo ng unlimited calls at text ng Sun kahit saan mang sulok ng Pilipinas dahil sa kapasidad ng kompanya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Enterprises Martes ng hapon, sinabi ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na wala ang problema sa pagbili ng PLDT sa Digitel dahil walang naman umanong magbabagong serbisyo sa Sun Cellular.

At hindi naman matatawag na monopolyo ang pagsasanib dahil may regulatory agency naman na siyang tututok sa industriya sakaling magkaroon ng manipulasyon sa presyo at serbisyo.

Dahil dito, binasbasan ng komite ni Revilla ang pagbili ng Philippine Long Distance Telephone Co., sa controlling shares ng Digitel dahil  walang nilabag na batas ang PLDT sa pagbili nila ng shares ng Digitel, taliwas sa kontensyon ng ibang telecommunication companies sa bansa.

Sinabi ni Revilla na ilalabas niya ngayong araw ang committee report na naglalaman ng hatol at rekomendasyon ng komite sa dalawang beses na public hearing sa naturang isyu.

“Ilalabas ko yung committee report pero we don’t see any problem, we don’t see any violation,”wika ng senador na nagsabing kinonsulta din niya ang mga miyembro ng komite bago balangkasin ang committee report.

Sa kabila nito, binigyang-laya naman ng komite ang National Telecommunications Commission (NTC) na siyang magbigay ng pinal na hatol sa PLDT-Digitel deal.

Umaasa naman si Atty. Ray Espinosa, director at head ng regulatory franchising ng PLDT, na mapaplantsa na nila ang transaksyon sa Digitel ngayong buwan at umaasa silang papaboran ng NTC ang kanilang deal.

Itinanggi naman nito na ang 70 percent share ng PLDT at Digitel sa market ng telecommunication ay magreresulta ng monopoly sa nasabing industriya.

Muli namang tiniyak ni Espinosa na hindi papatayin ng PLDT-Smart ang ‘unlimited services’ ng Sun Cellular, bagkus ay palalakasin pa nila ito upang makarating sa lahat ng sulok ng bansa.

“Bakit mo kikitilin yung negosyong binibili mo na pagkamahal-mahal, walang logic yun,” katwiran ni Espinosa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply