‘Eye opener’ si VM Egay Erice

SA linggong nagdaan, naging laman ng balita ang lungsod ng Caloocan matapos magpalabas ang Office of the Ombudsman ng six-month preventive suspension order laban kay Mayor Enrico Echiverri.

Ang suspension order ay nag-ugat sa isinampang kaso ni Vice Mayor Egay Erice sa Ombudsman kay Echiverri at tatlo pang opisyal na may kinalaman sa contribution ng mga kawani sa Government Service Insurance System.

Sa bandang huli, nanaig si Echiverri – nakakuha ng 60-day Temporary Restraining Order sa Court of Appeal para sa pananatili sa puwesto. Ibig sabihin, walang suspension na magaganap sa loob ng 2 buwan.

Samantala, tuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman sa kasong isinampa ni Erice habang nilalasap ni Echiverri at tatlo pang opisyal ng Caloocan ang  60-day TRO na kanilang nakuha sa CA.

Ang kasong ‘di pag-reremit ng Caloocan government ng employees’ contribution sa GSIS na dinala ni Erice sa Ombudsman para siyasatin ay uukit ng kasaysayan dahil ito’y naging malaking isyu.

Sa buong buhay ko, wala akong matandaan na alkalde, gobernador hepe ng government offices na iniutos suspendihin dahil sa pagkabigo ng mga ito na i-remit ang employees obligation sa GSIS.

Kung ano ang nag-udyok kay acting Ombudsman Orlando Casimiro na iutos ang suspension ni Echiverri ay siya la-mang ang nakaaalam, ngunit naniniwala ako na malinis ang hangarin ng acting Ombudsman.

Ang ipinapakitang mabibigat na desisyon at aksiyon ni Casimiro ay sumasalamin sa ‘Tuwid na Daan’ at ‘Kung Walang Korap, Walang Mahirap’ battlecry na isinusulong ni Pangulong Noynoy  Aquino.

Mula nang magbitiw ang kontrobersiyal na Ombudsman Merceditas Gutierrez at matalagang acting Ombudsman si Casimiro, kumilos at  umusad ang maraming kasong nabinbin sa nasabing ahensya.

May karapatan si Erice na magsampa ng kaso dahil may nasilip siyang kalokohan ang administrasyong Echiverri, gayundin si Echiverri, karapatan niyang  pasinungalingan ang akusayon ayon sa  umiiral na batas.

Ngunit ang ‘di maitatatwa ng mga regular na kawani ng lungsod ng Caloocan, at maging ang iba pang Local Government Unit at government offices na sumasalungat sa polisiya ng GSIS, si Erice ang nagsilbing ‘eye opener.’

Pagkatapos kasi ang utos ng Ombudsman na suspension order kay Echiverri, dumami raw ang mga gobernador, mayor at heads ng government offices ang nakipag-ugnayan sa GSIS para ayusin ang kanilang pagkakautang sa ahensya. Dapat sigurong pasalamatan si VM Erice rito!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply