‘Gulayan sa Paaralan’ palalawakin sa Quezon

PALALAWAKIN ng Department of Education (DepEd) ang “Gulayan sa Paaralan” sa buong lalawigan ng Quezon upang malutas ang malnutrisyon sa mga batang mag-aaaral.

Ayon kay Annie Lorica, education supervisor ng DepEd-Quezon, mataas ang kaso ng malnutrisyon sa mga batang mag-aaral dahilan sa kalimitan na hindi kumakain ng almusal ang mga ito bago pumasok sa paaralan. Ito rin ang dahilan kung bakit mabagal na matuto sa pag-aaral ang mga bata.

Bunsod nito, ipatutupad na sa lahat ng pampublikong paaralan sa lalawigan ang “Gulayan sa Paaralan” upang turuan ang mga bata na magtanim ng gulay sa paaralan at maging sa kani-kanilang mga tahanan.

Tuturuan ding kumain ng gulay ang mga bata at isasama rin sa kanilang leksyon ang kabutihan ng pagkain ng gulay sa kalusugan ng tao.

Dagdag pa rito, hihikayatin din ang mga magulang ng mga bata na magtanim ng gulay sa kanilang bakuran para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain

Isa ang malunggay sa ipinatatanim ng DepEd dahil ayon sa National Nutrition Council (NNC), ang malunggay ay may mataas na uri ng protina at bitamina na kailangan ng mga batang mag-aaral.

Mayroon ding supplemental feeding program ang DepEd sa mga batang natukoy na malnourished at ang gulay na pinakakain ay mula sa “Gulayan sa Paaralan.”

Maaari ring ibenta ng mga mag-aaral ang gulay na kanilang inani para pangdagdag sa kanilang gastusin sa paaralan o pangbaon nila. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply