‘Heightened alert’ ikinasa para sa SONA

INILAGAY na sa “heightened alert status” ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang kanilang puwersa sa Metro Manila upang ganap na mapaghandaan ang seguridad na ipatutupad sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa darating na Lunes.

Sinabi ni Metro Manila police chief Director Allan Purisima na maaari pa nilang itaas ito sa “full alert status,” depende sa makakalap na intelligence report sa mga darating na araw na nagpapakitang may malaking banta sa seguridad.

Nabatid na una nang nagpulong si Purisima at ang kanyang limang police director sa NCRPO headquarters sa Bicutan, Taguig kamakalawa at napag-usapan ang paghahanda ng bawat police district partikular na ang Quezon City Police District na siyang nakakasakop sa Batasang Pambansa.

Una nang inihayag ni Purisima na nasa 7,000 anti-riot cops ang kanilang ikakalat sa araw ng SONA upang bigyang seguridad ang lahat ng dadalo sa SONA at matiyak ang kaayusan maging ng mga iba’t ibang grupo na magsasagawa ng programa at demonstrasyon. Susugan ang naturang puwersa ng mga tauhan buhat sa Police Regional Offices 1, 2, 3, 4-A, 4-B at 5.

Tiniyak naman ni NCRPO Deputy for Administration, P/Chief Supt. Mike Laurel na kalahati ng kanilang puwersa ay nakalatag sa iba’t-ibang lugar upang masawata naman ang mga grupong criminal na maaaring magsamantala sa okasyon.

Siniguro rin ni Purisima na tutupad sa “standard operating procedures” ang kanilang mga anti-riot police matapos na ipaalala sa mga tauhan ang pagbabawal sa pagdadala ng baril sa pagsasaayos ng mga demonstrasyon ng mga raliyista.

Sinabi nito na tanging pansalag at batuta lamang ang kanilang dapat dalhin habang nakaantabay naman sa kanilang likuran ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics unit (SWAT) na siyang magbabantay sa kanilang kaligtasan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply