‘Pajero Bishops’ ikinahiya ng retiradong obispo

MALAKING kahihiyan para kay Retired Archbishop Oscar Cruz ang naging pagkakasangkot ng mga obispo sa pagtanggap ng mga mamahaling sasakyan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahon ng dating administrasyon.

Inungkat pa ng dating arsobispo ang ginawang panghihingi ni Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos ng bagong sasakyan kay dating Pangulong Gloria Arroyo bilang birthday gift.

Ayon kay Cruz, ngayon lamang niya nalaman na mayroong ganoong kalakaran na nagaganap sa hanay ng Simbahang Katoliko.

Gayunman, inamin ni Cruz na isa si Pueblos sa mga obispong malapit sa dating Pangulong Arroyo.

Inamin pa ni Retired Archbishop Cruz na maging siya ay inalok ng mamahaling sasakyan na Porsche ng nakaraang administrasyon ngunit ‘di niya ito tinanggap.

Pabirong sinabi ni Cruz na tinanggahan niya ang naturang sasakyan dahil sa ito aniya ay second hand lamang.

Tiniyak naman ni Cruz na magsasagawa ng imbestigasyon ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)hinggil sa pagkakasangkot ng ilang mga obispo na sinasabing tumanggap ng pera mula sa PCSO para ipambili ng kanilang mga sasakyan.

Sinabi ni Cruz na magkakaroon ng fact finding committee ang CBCP na ang resulta ng kanilang imbestigasyon at ng Senado ay ipapadala sa Congregation of Bishops sa Roma.

Binigyang diin ni Cruz na ang congregation of bishops lamang ang tanging may kapangyarihan na patawan ng kaparusan ang mga obispo sa buong mundo kaya ipapaubaya na lamang dito ng CBCP ang kapalaran ng mga sangkot na obispo.

Hindi lamang nakatanggap ng illegal donations mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang isang obispong una nang nanawagan sa resignation ni Pangulong Benigno Aquino III.

Inilabas ni PCSO Director Atty.Aleta Tolentino ang kopya ng sulat noong February 2009 ni Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos sa dating Pangulong Gloria Arroyo hinggil sa paghingi nito ng bagong sasakyan bilang birthday gift na lamang sa kaniya ng dating Pangulo.

Nakasaad sa sulat na nais ni Pueblos ang isang 4 by 4 car na aniya’y magagamit niya sa pagpunta sa mga malalayong lugar ng CARAGA para magmisyon.

Ayon pa kay Tolentino, inaprubahan ng dating PCSO board ang pagbibigay ng dalawang sasakyan sa Diocese ng Butuan base na rin sa dalawang board resolutions.

Samantala, ikakasa na ngayong araw na ito ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa nabunyag na iligal na pagpapalabas ng pondo at mga sasakyan ng dating pamunuan ng PCSO.

Pangungunahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa naturang usapin.

Ang mga kasalukuyang opisyal ng PCSO muna ang imbitado sa pagdinig, samantalang sa mga susunod na pagdinig imbitado ang mga isinasangkot na dating opisyal ng PCSO.

Una nang ibinunyag ng PCSO ang mga inisyung pondo partikular ang pambili ng mga sasakyan ng ilang obispo at ambulansya sa mga umano’y ilang malalapit na kongresista sa dating Pangulong Arroyo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply