1 patay, 1 sugatan sa aksidente sa NLEX

ISA ang patay at isa ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng dalawang 14-footer container van sa northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) Lunes ng madaling araw (Hulyo 11).

Sa inisyal na imbestigasyon ni Dei Bautista, NLEX supervisor, naganap ang insidente dakong 4:00 ng madaling araw sa bahagi ng Lawang Bato, Valenzuela City.

Magkasabay umanong tinatahak ng dalawang trailer truck na may kargang scrap metal ang kahabaan ng express way nang biglang mag-overtake ang isang kotse kaya biglang kinabig ng drayber ng dalawang trailer truck ang kanilang manibela.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang dalawang sasakyan bunsod na rin ng malakas na ulan at madulas na kalye at saka bumangga ang isang trak sa pader ng isang compound at tumilapon ang 14-footer container habang ang isa naman ay bumalandra sa gitna ng NLEX na nagdulot ng pagsikip ng trapiko.

Hindi na naisugod pa sa pagamutan ang pahinante ng isang trak na nakilalang si Pisio Aresgado dahil agad itong namatay habang sugatan naman ang drayber nito.

Samantala, 24 naman ang naitalang sugatan matapos banggain ng isang trak ang isang dyip sa bahagi ng Nichols Exit sa South Luzon Expressway (SLEX).

Sa panayam kay SLEX Highway Patrol Group Investigator Senior Police Officer 1 Marcelino Peralta, nawalan ng preno ang trak kaya nasalpok nito ang sinusundang dyip sa likurang bahagi nito habang nakahinto umano ang huli sa tapat ng window counter upang magbayad ng tool gate fee.

Nabatid na biyaheng-Makati ang dyip lulan ang mga empleyado na pawang mga nagtatrabaho sa nabanggit ng lungsod.

Nasa pangangalaga na ng Parañaque Doctors Hospital, Taguig Pateros Hospital, at Makati Medical Center ang mga pasaherong nadamay sa aksidente na nagtamo ng mild injuries.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply