10 madalas na mapanaginipan

MADALAS ka bang managinip? Ano ba ang madalas mong mapanaginipan? Nakakatakot ba? Masaya ba? Ano man ito, sinasabing ito ay signal na ibig sabihin ay ang subconscious mind ng tao ay may gustong ipaabot na mensahe.

Ang panaginip ay isang natural na pangyayari sa isang tao. Ayon sa mga naitala, ang panaginip ay isang succession ng mga imahe, tunog o damdamin na nararanasan ng ating isip habang tayo ay natutulog?

Ang mga laman ng ating panaginip ay walang ganap na kapaliwanagan, kaya ang usaping ito ay pinagdedebatehan at talagang isa sa mga interested topic sa buong mundo na nakasaad sa kasaysayan ng tao. Ang pag-aaral sa mga panaginip ay tinatawag na oneirology.

Bangungot ang tawag sa panaginip kapag ito ay isang masamang panaginip.

Alam ninyo ba kung ano ang sampung pinakamadalas mapanaginipan ng mga tao? Narito ang sampung pinakamadalas na mapaginipan ng tao at ang kanilang maaaaring naging sanhi;

1. Hinahabol- Sa ganitong panaginip, karaniwang hinahabol ang nanaginip ng tao, hayop, mga kakaiba at nakakatakot na nilalang. Nagsisilbing wake up call daw ang ganitong panaginip. Maaari raw kasing ikaw ay may isang bagay na hindi mo maamin sa iyong sarili. Ang mga elementong humahabol sayo gaya ng tao o hayop ay siyang nagre-represent ng mga bagay na hindi mo matanggap. At ang mga negatibong enerhiya at masasamang nilalang ay sumasalamin sa mga bagay o aral na dapat mong matutunan.

2. Nalulunod- Ang ganitong panaginip ay sumasalamin sa parte ng iyong buhay na iyong iniiwasan o hindi makasanayan. Minsan din daw ito ay babala na may mangyayaring hindi maganda.

3. Na-trap – Kapag nanaginip na na-trap sa isang lugar ito ay maaaring ikabit sa iyong kasalukuyang sitwasyon o pangyayari na hindi mo makasanayan o pakiramdam mo ay wala kang magawa kundi ang sundin ito. Wala kang choice kundi gawin at tanggapin. Dapat na matuto kang tumanggap ng mga possibilities at pagbabago. Ipinapayo na ito ay i-open up sa isang pinagkakatiwalaang tao.

4. Iniiwan ng minamahal o diborsyo- Ikaw ay may mga insecurities o may kinalaman sa inyong kasalukuyang estado ng relasyon ng iyong minamahal. Maaaring hindi ka kontento sa iyong partner o sa nangyayari sa inyong relasyon. Minsan dapat daw na matutunan na huwag iaasa ang kaligayahan sa iyong partner, kundi dapat kayo ay magbigayan. Dapat tanggapin ang ilang mga bagay-bagay sa inyong relasyon kung hindi man ito ayon sa iyong ninanais.

5. Nasugatan o nasaktan- Kung ganito ang iyong panaginip dapat bigyan pansin ang parte ng katawan na nasugatan at nasaktan. Ang ulo ay kumakatawan sa iyong kabuuan, ang mga kamay sumasalamin sa kung paano mo patakbuhin ang iyong buhay. Ang mga paa ay katumabas ng kung ano ang sumosoporta sa iyo. Ipanapayo na tanungin ang sarili kung ikaw ay may napababayaan na sa iyong buhay. Tandaan, unahin ang iyong mga prayoridad.

6. Nububungi o nalalagas ang mga ngipin – Maraming tao ang nanaginip na tungkol dito. Ito daw ay sumisimbolo sa pagkakaroon ng problema sa pagpili ng bagay o desisyon. Pakiramdam mo ay nahihirapan kang makipagkomunikasyon sa mga tao tungkol sa iyong saloobin at hindi makapagsalita sa harap ng maraming tao. Ikaw din daw ay nagdududa sa kakayahang alagaan ang sarili. Sa mga pamahiin naman ito daw ay isang babala na may papanaw.

7. Nakahubad sa harap ng maraming tao- Panaginip na nakahubad sa harap ng publiko ngunit tila walang nakapapansin? Ibig sabihin nito ay ikaw ay may mababang pagtingin sa sarili. Pakiramdam mo ikaw ay mahina sa paningin ng ibang tao. Kulang ka ng kumpiyansa sa sarili. Ang ganitong panaginip ay common sa mga reserved na taong may mataas na pamantayan. Mag-praktis ng mga bagay na makatutulong na tumaas ang self confident.

8. Naiwan ng sasakyan gaya ng eroplano at iba pa- Kadalasan daw itong mapanaginipan kapag ang tao ay may importanteng desisyon na gagawin dahil “pakiramdam mo ay hindi ka pa handa” o “talagang hindi ka pa handa.” Puwede ring ikaw ay may nakaligtaang gawin o napalagpas na opurtunidad.

9. Dinalaw ng patay- Ito ay dapat na hindi katakutan gaya sa mga pamahiin. Ipinapakita lamang daw sa ganitong panaginip ang konsepto ng pagmamahalan na nagbibigkis sa mga tao, buhay man o namayapa na.

10. Mga natural na sakuna- Pananaginip ng bagyo, tsunami, tornado o lindol ay nagpapahiwatig na may isang mala-dramang pagbabago sa iyong buhay na hindi bahagi ng mga bagay na nakasanayang gawain. Ibig sabihin nito ay dapat mong tanggapain ang mga malalaking pagbabagong maaaring maganap.

Kung nakakahiya o pangit man ang mga panaginip ay hindi ito dapat katakutan bagkus ay tanggapin at baka ito ay makatulong na palakasin ka sa pagharap sa mga problemang iyong kinakaharap.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply