18 lugar sa bansa nasa dengue watch

INILAGAY ng Department of Health (DOH) ang 18 lugar sa bansa na nakitaan ng pagtaas ng kaso ng dengue fever sa dengue watch.

Ito ay makaraang lumabas sa report ng DOH na umaabot na sa 198 ang namatay ngayong taon lamang.

Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa dengue watch ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Negros Occidental, Cebu, Zamboanga del Sur, Misamis Occidental, Davao City, Davao del Norte, Davao Oriental, Cotabato City, General Santos City, South Cotabato, Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga at Metro Manila.

Sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na inilagay sa dengue watch ang mga naturang lugar matapos makapagtala ng tatlo o higit pang kaso ng dengue sa mga barangay nito sa loob ng apat na linggo.

Sa pinakahuling tala ng DOH, nasa 39,090 na ang tinamaan ng dengue sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 9 ng taong ito.

Bagama’t mas mababa pa rin ito ng 13.82 percent kumpara sa kaparehas na panahon noong nakaraang taon na naitala sa 39,556, iginiit ng kagawaran na hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko dahil kahit sino at kahit anong oras ay pwedeng tamaan ng sakit na dengue.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply