2 bangkay natagpuan sa sapa

NATAGPUAN ang bangkay ng isang lalaki at isang babae na biktima ng pamamaril sa isang sapa sa Barangay Limpapa, 42 kilometro sa kanlurang bahagi ng lunsod ng Zamboanga.

Ang mga biktima na hindi pa nakikilala ay kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga ulo.  Ang lalaki na tinatayang nasa 40 ang edad, katamtamang laki, maitim, may maikling buhok, may tattoo sa kanyang mga braso at nakasuot ng pantalong maong at puting t-shirt ay may tama ng bala sa kanyang bunganga at braso samantalang ang babaeng biktima na tinatayang nasa edad 30 pataas ay morena, balingkinitan ang pangangatawan, may mahabang buhok na diretso at nakasuot ng pulang blouse at maong na pantaloon ay may tama ng bala sa kanyang kaliwang pisngi.

Ayon kay Sr. Supt. Edwin de Ocampo, hepe ng Zamboanga City Police, iniutos na niya ang masusing pagsisiyasat sa pagkakakilanlan ng mga biktima at posibleng motibo sa krimen. Pinakalat na rin niya ang mga operatiba upang makakalap ng mga posibleng saksi at nakakilala sa mga biktima at mga suspek.

Malapitan umano ang ginawang pamamaril sa mga biktima kaya’t posibleng kilala rin ng mga ito ang salarin.  Hindi rin malayo umano ang anggulong love triangle sa nangyaring pamamaslang. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply