2 bomba nakuha sa Sultan Kudarat

HINDI nagtagumpay ang ipinaing pampasabog laban sa military nang makuha Huwebes ng gabi, Hulyo 14, ang dalawang bomba sa liblib na lugar sa Colombio, Sultan Kudarat.

Sa tulong ng mga sibilyan, nakuha ng mga tauhan ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army ang dalawang bomba sa malimit dinadaanan ng mga militar habang nagsasagawa ng operasyon laban sa rebeldeng New People’s Army (NPA) malapit sa boundary ng Davao del Sur at North Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. Noel Bravo, commanding officer ng 27th IB, mga residente sa lugar ang mismong nagsumbong sa militar na may nakatanim na bomba sa gilid ng isang daanan na agad naman nilang pinuntahan.

Nakuha sa lugar ang isang 60mm Mortar at isang home-made na isang galong eskplosibo na “signature” umano ng NPA.

Naniniwala si Lt. Col Bravo na inilalalagay ng mga NPA ang mga bomba sa lugar upang pasabugin sa panahon na may dumadaang mga puwersa ng pamahalaan sa lugar.

Sa naturang lugar kalimitang nagkakaroon ng engkwentro ang puwersa ng pamahalaan at makakaliwang grupo.

Sa ngayon, ipinagpapatuloy umano nila ang monitoring sa lugar upang matiyak na wala ng iba pang landmines ang nakatanim dahil delikado rin ang mga ito sa mga sibilyan na malimit ding dumadaan sa naturang daanan.

Nangako si Lt. Col. Bravo na hindi nila ihihinto ang kanilang presensya sa mga bulubunduking barangay ng Colombio para tuluy-tuloy nang makapaghatid ng serbisyo ang lokal na pamahalaan sa mga residente sa mga liblib na barangay. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply