2 karnaper dakip sa Taguig City

DALAWANG karnaper na miyembro ng notorious group na West Coast Mafia ang nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Barangay Security Force (BSF) ng New at Old Lower Bicutan pagkaraan ang tugisan kaninang madaling-araw sa Mariano St., Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.

Hindi tinantanan ng rumespondeng awtoridad ang mga suspek na kinilala lamang sa alyas Alexis Tetet at Ramil Abdullah, ng Guevarra St., Brgy. Maharlika, nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng BSF New Lower Bicutan, isang nagngangalang Danilo Orpiana dela Torre, 64, 3472 Kalawaan St., Brgy. Ugong, Pasig City ang dumulog sa kanilang himpilan, 11:30 ng gabi noong Miyerkules upang isumbong ang pagnanakaw ng mga suspek sa kanyang red Kawasaki HD3 tricycle Model 2005.

Sinabi ng biktima na natangay ang kanyang sasakyan nang putulin ng mga salarin ang kadena na nilagyan niya ng lock ng motor.

Dahil sa nangyari, agad nakipag-ugnayan ang Brgy. New Lower Bicutan sa karatig barangay na agad namang nagsagawa ng operasyon kaya nagkaroon ng habulan bandang 1:00 ng madaling-araw hanggang madakip ang dalawa.

Nabawi ng mga  BSF ang ninakaw na sasakyan kasama ang pera at lisensiya ng may-ari nito habang isinuko ang mga suspek sa Taguig City Police Station upang kasuhan.

Hinala ng mga awtoridad na ang kilabot na West Coast Mafia ang nasa likod ng mga serye ng nakawan ng sasakyan sa Taguig.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply