2 patay sa pagsalakay ng NPA sa PNP station

DALAWANG sibilyan ang napatay at tatlo pa ang malubhang nasugatan, kabilang ang dalawang miyembro ng Trento Municipal Police station sa Agusan del Sur nang lusubin ito ng may 250 New People’s Army Sabado ng madaling araw, ayon sa ulat ng pulisya.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Supt Agrimero Cruz Jr., nagsimula ang sagupaan nang sumalakay ang tinatayang 250 NPA sakay ng tatlong Izusu Forward truck bandang ala-singko ng umaga ang nasabing istasyon sa Barangay Poblacion.

Tumagal ng halos isang oras ang bakbakan, na nagresulta sa pagkamatay ni Salvador Ralla Jr., station striker, at pagkasugat ng dalawang pulis na nakilala lamang sa pangalanga PO3 Hubo at PO1 Lazarte.

Pinaniniwalaang marami ang nalagas sa mga sumalakay na NPA, base sa impormasyong ibinahagi ng ilang residente sa bayan.

Ayon sa mga saksi, nagsimula ang pagkilos sa bahagi ng Agusan del Sur at probinsya ng Compostela Valley.

Nabatid pa na habang nasa kasagsagan ng putukan ay rumadyo ang mga sinalakay na pulis sa mga kalapit na istasyon ng pulis upang abisuhan ang mga ito ukol sa nagaganap na pananalakay ng mga komunistang rebelde.

Humingi rin ang mga ito ng tulong sa pamamagitan ng pagresponde ng mga kapwa pulis at maging ang Philippine Army 23rd Infantry Battalion.

Agad naman umanong sumaklolo ang mga tauhan ng kalapit na San Jose police station at pumunta sa Trento sakay ng isang bus.

Ngunit sinalubong umano ang mga ito ng putok ng blocking force ng mga rebelde.

Nagsibaba umano ang pinaputukang pulis at gumanti ng putok sa mga rebelde.

Tatlong miyembro umano ng NPA ang namatay sa nasabing engkwentro, kung saan nahagip ng bala at napatay ang isang inosenteng sibilyang kinilalang si Vergio Perocho.

Bukod sa tatlong napatay na rebelde, narekober din ang iba’t ibang kagamitan na kinabibilangan ng medical kit, mga armas, bala, bag at damit.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply