20 testigo sa poll fraud handang lumantad

NAKAHANDA nang lumantad ang mahigit-kumulang na 20 testigo para isiwalat ang buong katotohanan sa naganap na malawakang dayaan sa mga eleksyon noong 2004 at 2007.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes, may mga nagparating sa kanyang tanggapan na nagsasabing handang-handa na umano silang lumantad para isiwalat ang naganap na dayaan.

Karamihan umano sa mga ito ay mula sa Mindanao.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng Comelec ang buong pagkatao ng mga nagpiprinsintang testigo para hindi masayang ang isisiwalat ng mga ito.

Ang mga posibleng testigo ay nagpahayag ng kanilang kusang-loob na pagsisiwalat para makatulong sa ginagawang imbestigasyon sa umano’y dayaan na kasalukuyang sinisiyasat ng magkasanib na ahensya ng Department of Justice (DOJ) at Comelec.

“We really expect more people to come out. Some of them may be telling the truth, others may not. We have to check,” pahayag ni Brillantes.

Mayroon pa umanong mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang lumutang at kusang nagpahayag na kabilang sila sa mga kumuha at nagpalit ng election returns sa gusali ng Batasang Pambansa noong taong 2005.

Ang pagpapalit sa election returns ay upang matiyak umano ang panalo ng dating administrasyong Arroyo laban sa senatorial candidates ng oposisyon.

Tanging si Sen. Joker Arroyo at Sen. Juan Miguel Zubiri sa mga kanidato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nakapasok sa “Magic 12” noong 2007.

Ang panalo ni Zubiri ay kasalukuyang kinukuwestiyon ni Aquilino “Koko” Pimentel III, ang natalong kandidato na siyang kasunod ng una sa bilang ng mga boto.

Ang pinagsanib na imbestigasyon ng Comelec at DOJ ay gagawin sa susunod na linggo para sa panimulang pagsisiyat sa naturang anomalya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply