22 ambulansiya natanggap ng Ilocos Sur

NABUKING sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na mula noong 2009 hanggang 2010, 22 ambulansya ang natanggap ng Ilocos Sur habang ang ibang probinsya ay wala.

Sa pagtatanong ni Senador Franklin Drilon kay Rosario Uriarte, dating general manager ng PCSO, kung totoo nga ang ulat na pinagkalooban nito ng 22 ambulances ang Ilocos Sur.

Mistulang nagkaroon ng amnesia si Uriarte nang hindi maalala kung naghain siya ng resolusyon para sa nasabing mga ambulansya.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni incumbent PCSO board member Aleta Tolentino na nabigyan ng 20 ambulances ang Ilocos Sur sa ilalim ni dating Gov. Deogracias Victor Sevillanio at dalawa pa sa ilalim ni incumbent Gov. Luis “Chavit” Singson.

“Bakit kailangan ng isang probinsiya ng 20 na ambulansya? Pagtatanong ni pa Enrile.

Ipinagmalaki naman ni dating PCSO chairman at board member Manoling Morato na noong panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos nakapag-distribute siya ng 3,600 ambulansya sa buong bansa.

Kaya’t ani Morato, ito ang dahilan kung bakit maraming mga probinsiya at bayan sa bansa ang hindi humihingi ng ambulansya sa panahon naman nila sa ilalim ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Agad namang sinopla nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senador Ping Lacson si Morato matapos nitong sabihin sa ikalawang pagdinig ng senado, tungkol sa umano’y anomalya sa pagpapalabas ng mga pondo ng PCSO.

Sinabi ni Enrile na walang katotohanan ang sinabi ni morato na lahat ng lugar ay binigyan ng ambulansya noong panahon ni FVR dahil mismong ang lugar ng kanyang ama sa Cagayan ay hindi nakatanggap ng ambulansya.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Lacson si Morato na pawang katotohanan lamang ang sabihin at huwag magkuwento lang ng kung anu-ano.

Dito na sinabi ni Morato na kaya niyang patunayan ang kanyang mga sinasabi kaya lang ay ayaw silang bigyan ng access ng mga kasalukuyang opisyal ng PCSO kaya hindi sila makapag-provide ng papeles at dokumento hinggil sa kanilang mga sinasabi.

Matapos ireklamo ito ni Morato, nangako naman si PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas II na bibigyan na nila ng access sa mga dokumentong hawak nila ang grupo ni Morato partikular na sa mga dokumentong may kinalaman sa pamamahagi nila ng ambulansya noong kanilang panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply