3 bata nasagip sa cybersex den

ISANG siyam-na-taong-gulang na babae kasama ang dalawa pang menor de edad ang nasagip ng mga awtoridad mula sa isang cybersex den sa Cordova sa Cebu City.

Si Mimi (di tunay na pangalan), isang Grade 4 student, kasama ang dalawa pa na may edad 12 at 17, ay  natagpuan ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Branch ng Cebu Provincial Police Office sa loob ng isang kwarto na nasa harapan ng isang computer at gumagawa ng malalaswang galaw sa harap ng kamera.

Ayon kay Supt. Rodolfo Albotra, hepe ng PIB, dinakip din nila ang 31-anyos na ina ni Mimi at dalawa pang kababaihan na may edad 25 at 29 anyos na hinihinalang kasama ng dalawa pang batang na-rescue sa lugar.

Hindi inabutan ng mga awtoridad ang may-ari at caretaker ng bahay na nakatalilis sa direksyon ng talahiban nang hindi agad nakapasok ang mga pulis dahil nakakandado ang mga pinto ng bahay.

Bago naganap ang pagsalakay, dalawang buwan ding minanmanan ng mga pulis ang bahay matapos makarating sa kanila ang impormasyong ginagamit ito sa iligal na aktibidad.

Lagi umanong nakasara ang mga bintana ng bahay at may kurtina pa kapag nagsasagawa ng cybersex operation sa loob.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ng Cebu City RTC Executive Judge Simeon Dumdum Jr., isinagawa ang pagsalakay  tanghaling tapat.

Bukod sa pagkakaligtas sa tatlong bata, nadakip ang tatlong katao at narekober ang isang computer at mga dokumento. Sa pagiimbestiga, napag-alaman na binabayaran ang mga biktima ng $50 o P2,156 sa kanilang ginagawa.

Sasampahan ang ina ni Mimi at dalawa pa ng human trafficking, samantalang ang mga bata ay isasailalim sa pangangalaga ng DSWD. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply